Pinay na isinama ng amo sa California, nawawala

ABS-CBN News

Posted at May 17 2017 09:02 PM | Updated as of May 18 2017 05:09 AM

Parte na ng pamilya kung ituring ng isang mag-anak ang kanilang kasambahay -- ang 41 anyos na overseas Filipina worker na si Virgie Batilon.

Mahigit isang dekada nang nagtatrabaho sa Hong Kong si Batilon bilang caregiver para sa 80 anyos na babaeng Chinese. 

Ganoon na lamang kalapit daw ang loob ng pamilya kay Batilon kaya isinama siya sa Amerika para sa graduation ng apo ng employer.

Kuwento pa ng apo, excited si Batilon na makasama sa okasyon dahil first time din daw ng Pinay na makapuntang Amerika.

Pero sa araw ng graduation nitong Sabado, May 13, biglang naglaho raw si Batilon. 

Kuwento ng apo, isang oras bago ang seremonya ng pagtatapos, bumili ng pagkain ang kaniyang pamilya kasama si Batilon sa isang coffee shop sa Berkeley, California.

Bigla raw sumakit ang tiyan ng Pinay at nagpaalam na magpupunta sa banyo. Dahil hindi raw magagamit ang banyo sa coffee shop, naghanap ng ibang banyo sa labas si Batilon. Hindi na siya bumalik matapos nito.

Ilang oras daw hinanap ng pamilya ang Pinay at ilang beses ding tinawagan sa cellphone pero dumidiretso na raw ito sa voicemail.

Ini-report na ng pamilya ng employer ang pagkawala ni Batilon sa pulis. 

Hindi naman naniniwala ang pamilya ng employer na sinadya ng OFW ang kanyang pagkawala para mag-TNT o 'tago nang tago' na naging bansag sa mga ilegal na nananatili sa Amerika.

Ito'y kahit pa breadwinner si Batilon ng kaniyang pamilya. Ilang beses na rin nilang tinawagan ang asawa at anak ni Batilon sa Pangasinan pero hindi raw sila ma-contact. 

Umaasa ang pamilya na ligtas at nasa mabuting kalagayan ang caregiver na itinuring na nilang kaanak. Sana rin daw ay muli nila siyang makita.

Unang naiulat sa Balitang America ang tungkol sa pagkawala 
ng Pinay caregiver.

-- Ulat ni Henni Espinosa, ABS-CBN North America News Bureau

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.