'Pinirmahan lang': Comelec itinangging pre-shading sa balota ang nasa video

ABS-CBN News

Posted at May 16 2019 04:50 PM | Updated as of May 16 2019 05:09 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinabulaanan ng Commission on Elections (Comelec) na may nangyaring pre-shading sa mga balota sa halalan na pumapabor sa ilang kandidato. 

Ito ay matapos kumalat sa social media ang post ng Kabataan party-list kung saan makikitang minamarkahan ng isang babae na pinaniniwalaang miyembro ng electoral board (EB) ang ilang balota sa Lanao del Sur.

Ayon sa grupo, patunay ang video na may dayaang nangyari sa halalan, kung saan walang nakapasok na oposisyon at pawang mga admin bets ang nakapasok sa Magic 12 ng halalan - base sa partial at unofficial na resulta na kinalap mula sa datos ng Comelec. 

"Patunay ito ng malawakang dayaan sa natapos na 2019 elections, lalo na sa Mindanao na nasa ilalim ng Martial Law. Maging mapagbantay sa ating boto ngayong halalan," panawagan nila. 

Ayon kay Atty. Frances Arabe, director ng Comelec Education and Information Department, walang pre-shading kundi pinipirmahan lang ng babae ang kahon na nakalaan para sa lagda ng mga miyembro ng EB. 

Pero giit ni Arabe na may pagkukulang pa rin ang babae sapagkat hindi dapat pinipirmahan ang balota nang isang bagsakan matapos ang botohan. 

Dapat aniyang may pirma na ng EB ang balota bago pa ito ibigay sa mga botante.

Ayon pa kay Arabe, dapat pumalag ang poll watcher at itinala ito sa proceedings o report ng clustered precinct. 

Maaaring maireklamo ng election offense ang EB sa pamamagitan ng paghahain ng pormal na reklamo sa election officer kung saan nangyari ang insidente. 

Bukod sa umano'y pre-shaded ballots, pinuna rin ang Comelec sa mga naging aberya sa vote counting machines, pag-transmit ng mga boto, at mga marker na ginamit sa halalan noong Lunes. 

-- Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.