Legarda tinapos ang higit 30-taong pamamahala ng mga Javier sa Antique

Jennifer Garcia, ABS-CBN News

Posted at May 16 2019 09:34 PM

Sa pagkapanalo ni Senadora Loren Legarda bilang representante ng Antique ay natapos din ang ilang dekadang panunungkulan ng mga Javier sa lalawigan.

Nanalo si Legarda laban sa dating gobernador Exequiel Javier. Nakakuha si Legarda ng 199,187 na boto habang 69,716 na boto lamang ang nakuha ni Javier.

Ayon kay Legarda, panahon na para i-angat ang pamumuhay ng mga Antiqueño na tila napag-iwanan lalo na sa mga serbisyo mula sa gobyerno.

Sa kaniyang pag-upo sa House of Representatives, pagtutuunan niya ng pansin ang turismo at hanapbuhay para sa mga residente ng Antique, ani Legarda.

Pagtutuunan din aniya ng pansin ang pagpapatupad sa mga environmental laws.

Ayon kay Legarda, malaking tulong ang turismo sa lalawigan pero sisiguraduhin nito na balanse ang lahat at hindi maapektuhan ang kalikasan.

Bibigyang pansin din umano niya ang technical-vocational programs at tutulungan na maisulong ang mga maliliit na negosyante, gayundin ang pagkakaroon ng maayos na ospital sa lalawigan.

Ikinatuwa naman ng ilang residente ang pagkakaroon ng bagong kongresista. Umaasa sila na sa pamamagitan ni Legarda ay lalong mapapaayos ang kanilang mga kalsada at mabibigyan ng dagdag na hanabuhay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.