Ex na nakikipagbalikan, timbog sa 'sextortion'

ABS-CBN News

Posted at May 16 2018 09:55 PM

Hinuli ng National Bureau of Investigation sa Pangasinan noong Martes ang isang lalaking nanakot sa dating kasintahan na ipakakalat ang mga maseselang retrato at video nito kung hindi makikipagbalikan sa kaniya. 

Bandang alas-kuwatro ng hapon nang hulihin ng mga tauhan ng NBI mula Dagupan City ang suspek sa bahay nito sa bayan ng Aguilar matapos ireklamo ng dating kasintahan.

Ayon sa sumbong ng dating kasintahan sa pulisya, may maselang video na siyang kumakalat ngayon sa social media.

"Tine-threat siya na kung hindi siya makipagbalikan sa kaniya, ilalabas niya 'yong mga sex video nila 'tsaka 'yong mga nude photo nu'ng complainant," sabi ni Dickson Maraneg, executive officer ng NBI sa Dagupan City.

Pero itinanggi naman ng suspek na tinakot niya ang dating kasintahan at inilabas ang video.

"May iba po siyang kagalit, 'yon ang nagkalat," sabi ng suspek.

Binalaan naman ng NBI ang publiko na huwag kumuha ng mga maseselang larawan o video dahil ito umano ang kadalasang ugat ng pananamantala. 

Nahaharap naman ang suspek sa kasong robbery extortion, violence against women and their children, at grave coercion in relation to cybercrime. -- Ulat ni Edward Quinto, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.