REHIYON: 2 natitirang Abu Sayyaf sa Bohol, napatay na

ABS-CBN News

Posted at May 16 2017 01:46 PM | Updated as of May 16 2017 03:21 PM

Narito ang pinakamalalaking balita sa Luzon, Visayas, at Mindanao.

LUZON

Kaligtasan sa Palawan, tinitiyak ng lokal na pamahalaan at AFP

Magkakasunod na pagpupulong ang inorganisa ng Armed Forces of the Philippines kasama ang lokal na pamahalaan, tourism stakeholders, non-government organizations, at iba-ibang sektor ng lipunan para mas maging ligtas ang Palawan mula sa banta ng terorismo.

Pinangangambahan kasi ng mga ibang bansa tulad ng Amerika, Canada, United Kingdom, at Great Britain ang banta ng terorismo, kaya naglabas sila ng travel advisory para abisuhan ang kanilang mamamayan na mag-ingat sa pagpunta sa Palawan, partikular sa Puerto Princesa city.

Tiniyak ng mga awtoridad na bukod sa naka-heightened alert ang mga pulis at sundalo, katuwang din nila ang mahigit 300 civilian volunteers sa Sabang area, ang kinaroroonan ng pamosong underground river.

"In fact, ‘yung mga in-in place na teams within the area, mahaba ang beach niyan. In-involve natin ang Community Based Sustainable Tourism, based doon ang stakeholders," ani Beth Maclang, Park Superintendent ng Puerto Princesa River Subterranean National Park.
 
May dagdag na sasakyan ding gamit sa pag-monitor sa mga posibleng entry points sa Sulu Sea area.

"Para malaman ng buong mundo both local and foreign, safe po ang Palawan pagdating po sa turismo," ayon kay BGen. Nathaniel Casem, commander ng Joint Task Force and 3rd Marine Brigade. 
 
Inabisuhan na rin ang mga mangingisda na agad ipagbigay-alam sa mga awtoridad kapag may nakitang kahina-hinalang mga bangka o sasakyang pandagat.

Tiniyak ng provincial government na walang dapat ikabahala ang industriya ng turismo.

"Kasi ang timeline ni Wescom, baka huhupa sa security level ng alert. Sa province hindi. All year round ganoon pa rin [ang pagkaalerto]," ayon kay Atty. Gil Acosta, Provincial Information Officer ng Palawan. 

24/7 naman ang hotlines na puwedeng kontakin para maalerto ang mga awtoridad kapag may emergency.

-- Ulat ni Rex Ruta, ABS-CBN News


VISAYAS

2 natitirang Abu Sayyaf sa Bohol, napatay na 

Napatay na umano ang dalawang natitirang kasapi ng Abu Sayyaf sa Bohol matapos ang bakbakan sa bayan ng Calape, tanghali ng Lunes. Idineklara na rin ng militar na ligtas na sa publiko ang lalawigan. 

Sa loob ng mahigit isang buwan ng paghahanap ay natunton na ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police sa Bohol ang natitirang dalawang miyembro ng Abu Sayyaf na sina alyas ‘Ubayda’ at alyas ‘Asis’, ngunit nasawi din sila matapos mabaril sa engkuwentro sa Barangay Lawis. 

Unang napatay ng tropa ng gobyerno si alyas ‘Ubayda’ nang makipagpalitan umano ng putok sa mga operatiba ng Provincial Public Safety Company pasado alas-dose ng tanghali.

Ilang oras ang nakalipas, napatay naman si alyas ‘Asis’ na natagpuan 200 metro mula sa lugar kung saan napatay si Alyas Ubayda.

"Magkasama talaga ang dalawang ito. Si ‘Saad’ lang ang nahiwalay sa kanila," ayon kay Police Super Inspector Cresente Gurrea, hepe ng Calape Municipal Police Station

Natunton ang pinagtataguan ng dalawa dahil umano sa isang tawag na natanggap mula sa isang residente sa Calape, ayon kay S/Insp. Gurrea. 

Agad silang nag-deploy ng tropa doon, saka nagsimula ang habulan at barilan na humantong sa pagkakasawi ng dalawa. 

Magkasamang tumakas umano sina 'Ubayda' at 'Asis' matapos ang engkuwentro sa bayan ng Clarin noong Abril 22. 

Nahiwalay sa kanila si 'Saad' na nahuli at napatay din ng mga pulis matapos umanong tumakas.

Sabi ng militar, ligtas na ang lalawigan ng Bohol para sa mga residente at sa mga nagnanais bumisita sa probinsya.

"Ito ay finally over na. Sinasabi ko naman na neutralized na naman sila before, na nakuha natin ang dalawang strugglers na ito. But ngayon, finally, wala na talagang natira doon sa mga terrorist group na pumunta dito sa Bohol," ani Brig. Gen. Arnulfo Matanguihan, commander ng 302nd Infantry Brigade. 

Tiniyak naman ng AFP na matatanggap ng mga informant ang P1 milyon pabuya na ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga makapagtuturo sa mga bandido.

-- Ulat ni Aiza Layague, ABS-CBN News


MINDANAO

Mga paaralang napinsala ng bakbakan at kakulangan sa gamit, problema sa Maguindanao at Agusan del Norte

Sa Maguindanao, problema ngayon ang mga paaralang napinsala ng bakbakan ng militar at mga armadong grupo. Sa Agusan del Norte naman, kulang pa rin ang gamit sa ilang paaralan para sa full implementation ng K to 12 program.

Isa sa mga problema ng Department of Education sa Maguindanao ang mga paaralang nasira ng bakbakan sa pagitan ng tropa ng gobyerno at armadong grupo.

Kaya umaasa ngayon ang DepEd sa tulong ng lokal na pamahalaan at ibang sektor para makumpuni ang mga eskwelahan at maayos na magamit ng mga estudyante sa darating na pasukan.

Handa namang tumulong ang lokal na pamahalaan at iba pang sector.

“We are willing to help,” ayon kay Anwar Emblawa, Secretary ng alkalde ng Shariff Aguak. 

Sa bayan naman ng Buenavista sa Agusan del Norte, tiniyak ng DepEd na handa na ang mga guro para sa full implementation ng K to 12 basic education, pero may ilan pa ring kulang na gamit gaya ng libro.

Ilang linggo na lang bago ang pasukan, abala pa rin sa pagtatayo ng karagdagang school building para sa senior high students.

Itinuturing na hamon para sa DepEd ang paghahatid ng de kalidad na edukasyon sa kabila ng kakulangan sa mga kagamitan.

-- Ulat ni Jasper Acosta, ABS-CBN News.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.