Multa ng mga ospital na 'bayad-bago-lunas', planong taasan

ABS-CBN News

Posted at May 16 2017 04:45 PM | Updated as of May 16 2017 07:20 PM

Naipasa na sa Senado ang panukalang-batas na nagpapatupad ng mas pinaigting na parusa sa mga ospital na hindi tumatanggap ng pasyenteng hindi makakapag-deposit para sa emergency care.

Ayon kay Risa Hontiveros, may-akda ng Senate Bill 1353, tataasan ang financial penalties para sa lalabag sa Anti-Hospital Deposit Law.

"Mata-times 5 iyung financial penalty na puwedeng ipataw sa isang ospital na magtataboy sa isang mahirap o buntis na pasyente na dumarating sa emergency room nila," ani Hontiveros.

P100,000 ang kasalukuyang multa sa mga ospital na hindi tumatanggap ng pasyente dahil walang pang-deposit.

Sa panukalang batas, magbabayad ng P500,000 hanggang P1 milyon ang mga ospital na hindi magbibigay ng paunang lunas sa mga pasyente. 

Maaari ring makulong ang mga opisyal ng ospital nang apat hanggang anim na taon.

Babawiin din ng Department of Health ang lisensya ng health facility matapos ang tatlong sunod na paglabag.

Ani Hontiveros, babayaran ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) o bibigyan ng tax incentives ang mga ospital na magbibigay ng paunang lunas sa mga mahihirap na pasyente.

Tiwala si Hontiveros na maipapasa ito bago matapos ang taon.

Pahayag naman ng Private Hospital Association of the Philippines (PHAPI), hindi na bago ang nasabing proposal.

"Meron na pong batas tungkol diyan. Hindi na po bago 'yan," ani Rustico Jimenez, presidente ng PHAPI. "Alam niyo naman siyempre politika ngayon. Gusto nila sila ang nag-produce ng batas na 'yan."

Sa panayam kay Jimenez sa DZMM, sinabi niyang naging polisiya na nila ang hindi pag-demand ng bayad o deposit sa mga pasyenteng naa-admit sa mga ospital.

"Pag na-admit sa private room, merong karapatan ang ospital humingi ng bayad,"aniya.

Inamin naman ni Jimenez na may mga ospital pa ring hindi sumusunod sa kanilang panuntunan pero sa kanyang pagkakaalam, naresolba na ang ganitong mga kaso.

Aniya, maaari namang direktang pumunta ang mga pasyente sa DOH para maparusahan ang ospital.

Iginiit din niyang iilan lang ang mga ospital na hindi sumusunod sa kanilang patakaran. Marami pa rin umano ang mga nagbibigay ng magandang serbisyo pero hindi lang naibabalita ng media.

Binibigyan din nila umano ng first aid treatment at libreng ambulance services para mailipat sa pampublikong ospital ang mga pasyenteng walang kakayahang magbayad.

"Usually pinapa-stable muna ang pasyente. Gagawan muna ng mga test. Ibibigay mo muna ang gamot. Pag stable na ang pasyente, 'yun na ang time na ita-transfer mo sa government hospital," 

Dagdag ni Jimenez, dapat umanong bigyan ng gobyerno ang mga pribadong ospital ng tax incentives para dito. 

"Sana po tulungan naman ang private hospitals na makabawi sa gastos na ibibigay sa ganitong pasyente," aniya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.