'Halalan payapa sa pangkalahatan sa kabila ng 13 patay'

ABS-CBN News

Posted at May 15 2018 09:02 PM

Sinimulan ng mga poll watcher ang pagbibilang ng mga boto para sa barangay at Sangguniang Kabataan election sa Barangay Bel-Air sa Makati. George Calvelo, ABS-CBN News

Naging payapa sa pangkalahatan ang nakalipas na barangay at Sangguniang Kabataan elections sa kabila ng mga reklamo sa botohan at insidente ng karahasang ikinamatay ng ilan, ayon sa Commission on Elections (Comelec).

"Generally peaceful, ika nga [ang eleksiyon]. Natutuwa kami na ang botohan sa iba't ibang mga presinto ay naidaos nang walang malaking problema, walang malaking disturbance," sabi sa DZMM nitong Martes ni Comelec spokesperson James Jimenez. 

Ito ay sa kabila ng 13 poll-related deaths, o mga pagkamatay na may kinalaman sa halalan, na nakumpirma ng Comelec.

Mas mababa ito sa 33 election-related death na naitala sa barangay elections noong 2013.

Mas mababa rin ang tala ng Comelec kumpara sa 33 pagkamatay na naitala ng Philippine National Police noong Lunes.

Watch more in iWant or TFC.tv

Bukod sa mga pagkamatay, hindi rin naiwasan ang magkaroon ng tensiyon, gaya ng nangyari sa Barangay East Rembo sa Makati kung saan hinarang ng mga tagasuporta ng isang kandidato ang paglalabas ng mga ballot box dahil hindi pa umano nabibilang.

Nawalan din ng kuryente sa gitna ng bilangan ng boto sa ilang paaralan sa mga lalawigan, gaya ng sa Matnog Central School sa Sorsogon at Sambaludan Elementary sa Iloilo.

Pero gumamit ang mga election official ng ibang mga mapagkukuhanan ng ilaw gaya ng kandila, flashlight, at cellphone.

Patuloy pa rin ang pagkumpirma ng Comelec sa mga reklamong idinudulog sa kanila, gaya ng pagkabigo ng ilang botanteng makaboto dahil may ibang bumoto gamit ang kanilang pangalan.

MGA PAALALA

Ayon pa sa Comelec, halos patapos na ngayong Martes ang proklamasyon ng mga nahalal na kandidato.

May 94 porsiyento na ng mga nanalong kandidato ang naiproklama at ang natitirang anim na porsiyento ay inaasahang maipoproklama bago matapos ang Martes, sinabi ni Jimenez.

Nagpaalala rin si Jimenez sa lahat ng kandidato, nanalo man o natalo, na alisin ang mga election paraphernalia na ikinabit noong panahon ng kampanya.

“Dapat tanggalan na ng mga posters. While candidates have no legal requirement to take down posters meron sila moral obligation to do so,” ani Jimenez.

Dagdag pa ni Jimenez, may limang araw ang mga kandidato para alisin ang mga poster na ipinaskil nila sa mga Comelec-designated common poster area. Kung hindi maiaalis ay maparurusahan umano ang kandidato.

Pinaalalahanan din ni Jimenez ang lahat ng kandidato na magsumite ng kanilang Statement of Contributions and Expenses (SOCE) ng mas maaga sa itinakda nilang deadline sa Hunyo 13.

Nagpaalala rin ang Comelec at Philippine National Police na patuloy ang pag-iral ng gun ban hanggang sa Mayo 21. 

-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.