15 arestado sa Dumaguete City dahil sa paglabag sa quarantine protocols

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at May 14 2020 10:25 PM

DUMAGUETE CITY - Umabot sa 15 indibidwal ang inaresto ng Dumaguete City police nitong Miyerkoles ng gabi dahil sa paglabag sa quarantine protocols.

Sa paglibot ng mga pulis sa lungsod simula alas-9 ng gabi hanggang alas-11 ng gabi, inaresto nila ang mga nasa daan at hindi naka-face mask.

Isa-isang binigyan ng citation ticket ng pulisya ang mga lumabag sa quarantine protocols.

May executive order ang Dumaguete City na nagpapatupad ng mandatory face mask sa pampublikong lugar, pati na curfew na nagsisimula alas-9 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw.

Kasalukuyang nasa general community quarantine ang lungsod.

Sa city treasurer’s office naman magbabayad ng kanilang penalty ang mga lumabag sa patakaran sa COVID-19 prevention.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.