TINGNAN: Lola, 101, agaw-pansin nang bumoto

ABS-CBN News

Posted at May 14 2018 12:47 PM

Si Lola Rufina Dela Peña na edad 101 anyos, hindi inalintana ang pila at init ng panahon para lamang makilahok sa halalan. Kuha ni Aiza Marrie Layague, ABS-CBN News

Dagsa na sa nga polling center ang mga botante sa Dumaguete City para makilahok sa barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections ngayong Lunes.

Pero isang botante ang pumukaw sa pansin ng marami.

Isa kasi sa mga hindi pinalampas ang pagkakataong makaboto ay ang 101 taong gulang na si Lola Rufina Dela Peña.

Kahit medyo hirap nang maglakad, hindi niya ito inalintana makapili lang ng bagong mga lider na uupo sa kanilang barangay.

Samantala, marami namang botante ang ilang oras nang paikot-ikot sa kanilang designated polling center dahil hindi umano makita ang kanilang mga pangalan sa master list.

Ilan naman sa mga botante ang nagkamali at naihulog agad sa ballot box ang kanilang mga balota kahit hindi pa kumpleto ang kanilang pagpili.

Kahit nanghihingi sila ng bagong balota sa Comelec, hindi na sila pinagbigyan dahil isa lamang daw na balota ang nakalaan sa bawat botante.

--Ulat ni Aiza Marrie Layague, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.