SILIPIN: Pag-arangkada ng barangay at SK elections sa iba't ibang probinsiya

ABS-CBN News

Posted at May 14 2018 11:33 AM | Updated as of May 14 2018 03:40 PM

Napupuno na ang mga presinto na magsisilbing lugar ng botohan sa ginaganap na barangay at Sangguniang Kabataan elections ngayong Lunes. 

Sitwasyon ng presinto sa Palo, Leyte. Kuha ni Ranulfo Docdocan

Sa Palo, Leyte, eksaktong alas-7 ng umaga ay nagsimula na ang botohan sa San Joaquin Central School.

Bago ito, siniguro muna ng mga election officer na walang laman ang ballot boxes na gagamitin sa kanilang presinto.

Pinaunang bumoto ang mga watcher ng mga kandidato.

Sitwasyon ng presinto sa Tacloban City. Kuha ni Jenette Fariola-Ruedas

Sa Tacloban City naman, maaga pa lang ay dagsa na ang mga botante sa San Jose Elementary School, kung saan karamihan sa kanila ay Yolanda survivors na nakatira sa relocation sites.

Mula sa relocation sites ay mahigit 15 kilometro ang ibiniyahe nila, dahil para sa kanila, mahalaga umano ang bawat boto.

Sitwasyon ng presinto sa Asingan, Pangasinan. Kuha ni Joanna Tacason

Samantala, maigting na ipinapatupad sa polling centers sa Asingan, Pangasinan ang patakaran sa priority lanes para sa mga senior citizen at persons with disability (PWD).

Nasa 2.4 milyong botante ang inaasahang boboto sa Pangasinan ngayong araw.

Sitwasyon ng presinto sa Legzpi, Albay. Kuha ni Karren Canon

Sa Legazpi, Albay, maagang nagsipuntahan ang mga botante upang alamin kung saan silang presinto nakatalaga.

Sitwasyon ng presinto sa Ilocos Norte. Kuha ni Denis Agcaoili

Sinamahan naman ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas ang kaniyang anak na si Rodolfo Christian Fariñas III na bumoto sa Ilocos Norte.

Kandidato bilang kapitan si Christian sa Baragay Buyon.

Sitwasyon ng presinto sa Cagayan de Oro. Kuha ni Cris Angelo Andrade

Sa City Central School sa Cagayan de Oro naman bumoto si Senate President Aquilino "Koko" Pimentel III.

Sa maikling panayam, iginiit ni Pimentel ang kaniyang pagtutol sa naging desisyon ng Korte Suprema na patalsikin bilang chief justice si Maria Lourdes Sereno.

Sitwasyon ng presinto sa Tagum City. Kuha ni Clarabelle Cornelio

Si House Speaker Pantaleon Alvarez naman, nakitang bumoboto sa isang presinto sa Tagum City, suot ang kaniyang pambahay na shorts at tsinela. 

Hindi nagpaunlak ng panayam si Alvarez.

--Ulat nina Ranulfo Docdocan, Jenette Fariola-Ruedas, Joanna Tacason, Denis Agcaoili, Cris Angelo Andrade, Clarabelle Cornelio, at Karren Canon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.