Reelectionist barangay chairman, patay sa ambush sa Sultan Kudarat

ABS-CBN News

Posted at May 14 2018 02:22 PM | Updated as of May 14 2018 02:59 PM

Larawan mula sa Palimbang police

PALIMBANG, Sultan Kudarat - Patay sa pamamaril ang isang reelectionist na kapitan ng Barangay Mina, Linggo, gabi bago magsimula ang barangay at sangguniang kabataan elections. 

Dead on arrival sa ospital si Mustre Aguib, 51, na nakasakay ng motorsiklo nang tambangan ng hindi pa nakikilalang salarin sa Badiangon Bridge habang siya ay papauwi. 

“Pauwi na siya tapos 'yung gunman nag-aabang na sa tulay. Tapos pumara pa daw itong gunman then nag-slowdown itong biktima. Doon na siya binaril," ani Senior Inspector Carl Jayson Baynosa, hepe ng Palimbang police. 

Nakapagmaneho pa ng motorsiklo ang biktima pero pagkalagpas nito ng tulay, natumba na rin siya dahil sa 4 na tama ng bala mula sa kalibre .45 na baril.

Hustisya ang panawagan ng pamilya Aguib.

“Sana mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ni ama. Kasi wala naman siyang kasalanan e. Hindi namin alam kung bakit siya binaril. Wala siyang kaaway dito sa amin," ani Sarbiya Aguib, anak ng biktima.

Iniimbestigahan na ng pulisya ang krimen na sinususpetsang may kinalaman sa halalan, lalo't wala namang kaaway sa rido ang pinaslang na kapitan. 

Nitong Abril 22, isang reelectionist kagawad din ang pinatay sa pamamaril sa parehong barangay. Dalawang sibilyan ang nadamay sa insidenteng ito. 

Sa buong rehiyon, si Kapitan Aguib na ang ika-siyam na namatay ngayong panahon ng halalan base sa records ng pulisya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.