15 umano'y miyembro ng NPA, patay sa engkuwentro sa MisOr

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at May 13 2020 07:41 PM | Updated as of May 13 2020 10:21 PM

GINGOOG CITY, Misamis Oriental - Patay ang 15 hinihinilang miyembro ng New People's Army (NPA) sa engkuwentro sa lungsod na ito noong Linggo hanggang Martes ng umaga, ayon sa militar.

Nasa 70 miyembro ng NPA ang nakasagupaan ng militar matapos rumesponde sa natanggap na impormasyong presensiya ng armadong grupo sa Sitio Likudon, Barangay Kamanikan, ayon kay Brig. Gen. Maurito Licudine, commander ng 402nd Brigade.

“May balak silang mag-conduct ng tactical offensive targeting yung mga checkpoints natin dito along Carmen and Magsaysay at yung mga patrol bases po natin dito sa may Gingoog," aniya.

Narekober ang mga labi ng napatay na umano'y mga miyembro ng NPA noong Martes ng umaga at agad silang ibinaba at dinala sa isang punenarya sa lungsod, ayon kay Licudine.

Dagdag niya, nakuha rin ang dalawang M16, isang M14, isang AK47 na armas, isang carbine at mga landmines.

Patuloy ang pagtugis sa mga nakatakas na rebelde.

Nitong Martes, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na magbibigay siya ng P2 milyong pabuya para sa pagpatay ng mga pinuno ng mga rebelde.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.