TINGNAN: 102-anyos na lola, bumoto sa Dumaguete City

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at May 13 2019 08:26 AM

Nakilahok pa rin sa halalan si Rufina dela Peña kahit pa 102-anyos na ito.

DUMAGUETE CITY – Isang 102-taong gulang na babae ang isa sa mga naunang bumoto sa isang presinto dito sa lungsod, Lunes ng umaga.

Katuwang ni Rufina dela Peña ang kaniyang manugang na si Rosalinda dela Peña sa pagboto. Si Rosalinda na din ang nag-shade ng mga piniling iboboto ni Rufina.

Ayon kay Rosalinda, kahit sa edad na 102 ay gusto pa din ni Rufina na makilahok sa halalan para sa ikabubuti ng bansa at para na din hindi mawala sa voters list ang kaniyang pangalan.

Sa Dumaguete City High School bumoto ang dalawa. 

Wala pa rin namang masyadong problema sa nasabing polling precinct maliban na lang sa isang vote counting machine na nagka-paper jam pero naayos na din ito agad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.