Polling center sa Zamboanga City nawalan ng kuryente habang botohan

ABS-CBN News

Posted at May 13 2019 02:19 PM

Nawalan ng suplay ng kuryente ang isang polling center sa Zamboanga City sa kalagitnaan ng botohan nitong Lunes ng umaga.

Sa John Spirig Elementary School sa Barangay Campo Islam, ilang oras nagkaroon ng power interruption matapos daw magkaproblema sa linya ng kuryente ng Zamboanga City Electric Cooperative (Zamelco).

Gayunpaman, hindi daw naapektuhan ang botohan sa naturang polling center dahil gumana naman ang back-up battery ng mga vote-counting machine.

Nagrereklamo naman ang ilang botante at electoral board dahil mainit sa loob ng mga presinto.

Hirap ding makakita ang ilang matatanda dahil madilim.

Umaasa silang hindi magtatagal ang power interruption at maaayos din ng Zamelco ang problema sa linya ng kuryente. 

Nababahala kasi ang mga electoral board na baka mag-lowbat na ang mga back-up battery at hindi pa rin bumabalik ang suplay ng kuryente sa polling center.

—Ulat ni RJ Rosalado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.