Isang voting precinct sa La Union, nagkulang sa balota

Michelle Soriano, ABS-CBN News

Posted at May 13 2019 06:29 PM

NAGUILIAN, La Union - Nagkulang ang mga balota sa isang voting precinct sa bayang ito Lunes.

Nagkasagutan ang ilang botante at ang election officer ng Naguilian, La Union matapos magkulang ng 194 na balota ang isang voting precinct sa Bato Elementary School.

Sa nasabing voting precinct, 547 ang bilang ng mga botante na lahat ay galing sa Barangay Angin.

Ala-1:30 ng hapon huling nakapagpasok ng balota sa vote counting machine sa presinto.

Ayon kay Donna Hernando, Election Officer ng Naguilian, posibleng sa packing na sa Commission on Elections Central Office nagkaroon ng problema.

Hindi naman umano ito maaaring buksan ng Municipal Treasury Office bago ang halalan dahil selyado ang kahon kung saan nakalagay ang mga balota.

Dagdag pa ni Hernando, maaari itong bilangin ng electoral board pero kahit pa umano maagang nalaman na kulang ito, hindi rin agad magagawan ng paraan dahil isang balota lang ang naitalaga para sa bawat botante.

Hihintayin na magsara ang botohan bago kunin ang mga sobrang balota mula sa ibang presinto para magamit ng mga taga-Barangay Angin.