Botohan sa Bacolod, naantala dahil sa aberya sa VRVM, vote counting machine

Yasmin Pascual-Dormido, ABS-CBN News

Posted at May 13 2019 07:40 AM | Updated as of May 13 2019 07:51 AM

Walang magawa kung 'di ang mghintay ng mga botante sa polling precinct sa Jose R. Torres Elementary School sa Barangay Singcang-Airport matapos na magka-aberya ang mga makina.

BACOLOD CITY - Siksikan at pawisan ang mga botante sa extension room ng Jose R. Torres Elementary School sa Barangay Singcang-Airport dahil hindi makausad ang mahabang pila matapos magkaaberya ang vote counting machine sa precinct 254 Lunes ng umaga. 

Naantala ng 20-minuto ang pagboto sa nasabing clustered precinct dahil una nang nagkaproblema ang voter registration verification system. 

Ayon sa Electoral Board Chairman na si Lilibeth Cordova, hindi sila maka log-in sa VRVM kung kaya’t nagdesisyon silang gawing manual ang pag-verify ng mga pangalan ng registered voters bago bigyan ng balota. 

Sinundan pa ito ng problema rin sa vote counting machine mismo.
 
Dismayado ang first voter ng clustered precinct na si Regina Musngi dahil imbes na mabilis ang proseso, mas lalong naantala siya dahil mini-misread ng vote counting machine ang laman ng kaniyang balota. 

Kinikuwestiyon naman ni Maggie Navarro ang Commission on Elections kung bakit sa araw mismo ng halalan nagkaproblema ang vote counting machine. Umalis na siya kahit hindi nakaboto dahil may trabaho pa siya at dismayado sa nangyari. 

Sira rin ang parehong makina sa precinct 253 na nakalaan para sa persons with disabilities at senior citizens. HIndi nagamit ang mga ito mula nang magsimula ang botohan alas-6 ng umaga.

Pinaboto na lamang muna ang mga tao at ipinasok sa receptacle ng vote counting machine habang hinihintay ang pagdating ng kapalit na makina saka babasahin at bibilangin ang kanilang mga boto gamit ang replacement machine.

Sa isinagawang final testing and sealing noong Biyernes, 12 vote counting machines ang defective at kinailangan ng replacement. Tatlo rito ay sa Bacolod City pero ayon sa Comelec, nasolusyunan at napalitan ang mga defective VCM nitong weekend.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.