Pito arestado sa Lucena dahil sa tangkang pamimili ng boto

Kevin Dinglasan, ABS-CBN News

Posted at May 13 2018 06:56 PM | Updated as of May 13 2018 10:13 PM

LUCENA CITY - (UPDATED) Arestado ang pitong tao matapos makuhanan ng sample ballot na may nakaipit na pera sa Purok Kwatro Dulong Buhangin, Barangay Dalahican sa lungsod na ito Linggo.

Sa imbestigasyon, nakatanggap ng impormasyon ang ilang residente na may nagaganap na pamimili ng boto sa lugar.

Nang puntahan pasado alas-dos ng madaling araw, bumungad sa kanila ang ilang taong may dalang shoulder bag na naglalaman ng mga envelope na may lamang sample ballot at pera.

Agad na ini-report sa pulisya ang pangyayari at nasakote ang mga suspek.

"Noong dumating po ang ating kapulisan ay nandun na po ang mga tao na 'di umano ay namimili ng boto na kung saan ay napapaligiran ng mga tao namang nakahuli ng pamimili ng boto," ani Police Senior Inspector Reynaldo Belarmino ng Lucena City Police.

Nakuha mula sa mga suspek ang siyam na pirasong envelope na may sample ballot at perang nagkakahalagang P200 kada sobre.

Inihahanda na ng pulisya ang kasong illegal possession of campaign materials laban sa mga arestado.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.