Pagpatay sa dating kongresista, ikinokonekta sa politika

ABS-CBN News

Posted at May 13 2018 08:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sinisilip ang politika bilang isa sa mga motibo sa pagpatay sa isang dating kongresista sa La Union.

Bumuo na ang Philippine National Police (PNP) ng special investigation task group para tutukan ang kaso ng pamamaslang kay dating La Union second district Rep. Eufranio Eriguel.

Nagtatalumpati si Eriguel sa miting de avance ng mga kandidato ng Barangay Capas, Agoo, La Union nang bigla siyang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin nitong gabi ng Sabado, Mayo 12.

Nakaitim at nakatakip umano ang mukha ng mga gunman na lulan ng dalawang sasakyan.

Sinubukan din ng mga salarin na puntiryahin ang sasakyan kung saan naroon ang misis ni Eriguel na si Congresswoman Sandra Eriguel.

Naisugod pa sa ospital si Eufranio Eriguel pero idineklarang dead on arrival.

Bukod kay Eriguel, patay rin ang dalawa niyang tauhan.

Doble higpit ngayon ang seguridad sa La Union.

"We have two persons of interest that we are working on and then, hopefully na magkaroon tayo ng lead," ani Chief Superintendent Romeo Sapitula, PNP Region I director.

Nakuhanan ng CCTV ng barangay ang nangyari, pero hindi muna ito inilabas sa publiko habang hindi pa tapos ang masusing imbestigasyon.

Hindi rin muna naglabas ng pahayag ang pamilya Eriguel.

Abril 2016 nang makaligtas sa pambobomba sa kaniyang convoy si Eriguel.

-- Ulat ni Justin Aguilar, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.