Doktora patay sa pananaksak sa Las Piñas

ABS-CBN News

Posted at May 13 2018 01:55 PM | Updated as of May 13 2018 08:17 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Napatay sa pananaksak noong madaling araw ng Biyernes ang isang doktora matapos looban ang kaniyang bahay sa Las Piñas.

Nahaharap sa kasong robbery with homicide ang katulong ng biktima at ang kinakasama nitong dating driver ng doktora matapos umaming sangkot sila sa krimen.

Ayon sa dating driver na si Dindo Legario, ang katulong na si Juvy Acero ang nagplano ng pagnanakaw sa biktimang si Harivelle Charmaine Hernando.

Kasabwat nila sa krimen ang isang alyas "Mar" na patuloy na tinutugis ng pulisya.

Ayon kay Legario, wala sa kanilang plano na mapatay si Hernando.

"Wala po sa plano na papatayin si doktora doon. E ang mali nitong babae, 'yong ka-live in ko, inabutan niya ng kutsilyo 'yong isa, si [Mar]. Imbes na 'di mapatay si doktora, napatay tuloy," sabi ni Legario.

Hagdanan ang pinang-akyat ng mga suspek sa bintana at kable ng saksakan ang pinaggapos sa biktima.

Unang nalaman ng mga pulis ang nangyari matapos lumapit sa kanila si Acero at nagpapanggap na natuklasan umano ang bangkay.

Pero dahil pabago-bago ang salaysay ng katulong, mas pinaniwalaan ng pulisya ang pag-amin ni Legario.

Cellphone at wallet ang natangay mula sa biktima.

Limang taon nang dean ng isang medical school sa Las Piñas si Hernando, na naulila ang dalawang anak.

-- Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.