Daanbantayan mayor, itinangging 'gawa-gawa' ang pamamaril sa kaniya

ABS-CBN News

Posted at May 13 2018 10:05 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Itinanggi ng mayor ng Daanbantayan, Cebu na "gawa-gawa" lang ang pamamaril sa kaniya at pamilya niya nitong Linggo.

Nakaligtas sa pamamaril si Daanbantayan Mayor Vicente Loot at kaniyang pamilya.

Kuwento ng alkalde, kadarating lang mula sa bakasyon ng pamilya Loot bandang alas-7 ng umaga nitong Linggo at pababa na sana sila sa pumpboat sa Maya port sa Daanbantayan nang bigla silang paputukan ng hindi nakikilalang gunmen.

Sabi ni Loot, agad silang nagtago sa may makina ng bangka.

Pero tinamaan ng bala si Jeryl Rossel, ang yaya ng apo ni Loot.

Sugatan din ang naghihintay na mga driver ng pamilya na sina Arnel Rosario at Ruben Castañeda.

Damay din ang porter na si Bernabe Ypsor.

Na-recover ang 19 na bala ng M-16 rifle sa crime scene.

Tadtad din ng mga tama ng bala ang naghihintay na van ng mga Loot.

Tumanggi muna ang Cebu Provincial Police Office na kumpirmahing ambush ang nangyari dahil hindi pa umano matukoy kung si Loot nga ang target.

Giit naman ni Loot, hindi drama o gawa-gawa ang pamamaril para makakuha ng simpatiya sa publiko.

Aniya, kung drama ang nangyari, bakit kailangang idamay pa ang kaniyang mga apo.

Ayon kay Loot, malayong pulitika sa Daanbantayan ang motibo sa krimen.

Pero duda niya, may mga dating kasamahan sa Philippine National Police ang gusto pa ring sumira sa kanya.

Si Loot ang isa sa mga retired general na idinawit dati ni Pangulong Rodrigo Duterte sa negosyo ng ilegal na droga.

"The announcement may have encouraged 'eager beavers,' 'yon ang tawag nila... I also have some information which I am going to share," ani Loot.

Dati nang itinanggi ni Loot ang alegasyong may kinalaman siya sa ilegal na droga.

Wala sa Comelec hotspot ang Daanbantayan, pero dahil sa insidente, dagdag pulis ang ipadadala sa bayan.

-- Ulat ni Joworski Alipon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.