3 patay sa magkakahiwalay na insidente ng pamamaril sa Guihulngan

Mitch Lipa, ABS-CBN News

Posted at May 12 2020 11:03 PM | Updated as of May 12 2020 11:59 PM

Tatlong magkakahiwalay na kaso ng pamamaril ang naiulat sa Guihulngan City, Negros Oriental mula Mayo 10 hanggang Mayo 12.

Pasado alas-8 ng umaga ng Martes, pinaslang sa Barangay Poblacion ang co-owner ng isang security agency.

Ayon sa pulisya, kumakain sa isang eatery si Rodel Barillo kasama ang kaniyang kapatid nang may lumapit sa kanila at binaril ang biktima nang ilang beses.

May tama ng bala sa ulo at iba’t ibang bahagi sa kaniyang katawan si Barillo na siyang ikinamatay nito. Nakatakas ang salarin.

Noong Mayo 10 naman, isang magsasaka na caretaker ng isang hacienda ang patay matapos barilin ng mga armadong tao.

Sa imbestigasyon ng pulisya, maghuhugas sana ng kaniyang kamay sa labas ng kanilang bahay sa Barangay Trinidad matapos kumain si Feliciano Blanco Mahinay, Jr., nang barilin siya nang ilang beses ng hindi pa nakikilalang mga salarin.

Nagtamo siya ng tama ng bala sa ulo na ikinamatay nito. Isang dating miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit si Mahinay.

Noong Mayo 10 din, binaril din ng hindi kilalang mga tao si Dante Jimena.

Ayon sa pulisya, nagluluto ng hapunan si Jimena sa kaniyang bahay sa Barangay T-Hill nang pinasok ang kaniyang bahay ng hindi pa kilalang salarin. Binaril ang biktima sa ulo. Isang basyo ng bala ng .45 caliber pistol ang nakuha sa crime scene.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa sunod-sunod na pamamaslang.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.