Failon Ngayon: Utang

ABS-CBN News

Posted at May 12 2019 12:39 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Summer is still on, Kapamilya. Nakapag-out of town ka na ba? Nakapag-beach escapade o staycation kasama ng loved ones o barkada? Sa mga tight ang budget, don’t worry dahil ang bakasyon ngayon, pwedeng utang muna.

Iyan ang ilang beses nang nasubukan noon ni Analyn Bontilao ng Malabon gamit ang kanyang credit card. Kwento ni Analyn: “I went to Bohol with my friends. So halos lahat ’yun na-charge ko sa credit card pati pambili ko ng pasalubong. So Palawan naman. Plane ticket, accommodation and ibang pasalubong ’yung last na gamit ko ng credit card na sa travel is noong nagpunta ng Paris, Amsterdam, ’yung magkakatabing bansa na ’yun. 5 cities ’yun. Tapos 2 pa ’yung credit card ko during that time so ginamit ko siya sa pasalubong, sa air ticket din. I’m still into the convenience of credit card hindi kasi kailangan namin magdala lagi ng cash.”

Takbuhan na nga raw ng mga Pinoy ang pag-utang sa iba’t ibang sitwasyon. Paliwanag dito ni Josh Bayabo isang financial expert: “Ngayong summer usong uso, lalo na para sa parents. Du’n ’yung oras ng enrollment sa schools so madalas talaga uutang ka sa lending companies, microfinancing companies. Tapos graduation season bumibili sila ng gadgets as reward for doing good sa school year.”

Dahil patok ang pangungutang, marami ngayon ang gumagamit na ng credit card, ayon sa Credit Card Association of the Philippines.

Paliwanag dito ni Alex Iligan, executive director ng Credit Card Association of the Philippines: “Sa huling survey ng C-CAP umaabot ng 9.5 (million) credit cards ang naissue nationwide. Mas kombinyente gamitin minsan. May gusto kang bilhin, kulang ang pera mo, may credit card ka mas madali. Maliban sa convenient, ’yung aspeto ng pangungutang kasi hindi mo kailangan bayaran. Kunwari ginamit mo card mo, may 1 month billing cycle, tapos bibigyan ka pa ng 1 o 2 linggo para mabayaran. Napakahaba ng interest fee period.”

Ayon naman ni Josh Bayabo: “Naeengganyo sila lalo na pag sinwipe mo sa credit card. Six months installment, ganito mo lang sya babayaran. OK lang kasi maliit lang naman ang mababawas sa sweldo ko. Aside from that, meron kang pwedeng makuha na free food, free hotel accommodation, kapag nag-spend ka ng minimum.”

At ang nakakahalina pa ay ang mabilis na proseso ng aplikasyon. “Fill out ka lang ng form, 1 week verification, magugulat ka your credit card is right at your doorstep, ide-deliver sayo. Banks mag-open ka lang ng account i-grant ka na kahit walang credit standing bibigyan ka ng credit card,” dagdag pa ni Bayabao.

Para kay Analyn, malaking tulong ang credit card sa kaniyang buhay pero aminado siyang naging iresponsable ang paggamit niya nito. “Minsan, kunwari ang budget mo is P500 lang. Since may credit card ka naman, minsan napapasobra. Doon na nag-start ’yung pagpatong-patong. Ang masama kasi talaga doon, hindi ko siya nababayaran ng full. Five percent lang ang minimum amount na kailangan mong bayaran sa card. Nagulat na lang ako na nag-blow up ’yung utang na in total na parang umabot sa P275,000 . . . Parang nasa, 100-120 lang ’yung utang ko talaga, ’yung purchases ko.”

Aminado ang C-CAP na ang minimum due amount ang nagiging patibong para sa ilang credit card users na lalong mahulog sa utang. Sa kanilang tala, sa 100 credit-card holders, 3 hanggang 4 na tao ang delingkwente sa pagbabayad ng utang. 

Sa ngayon, 3% hanggang 3.5% kasi ang ipinapataw na interest rate sa utang buwan-buwan ng mga bangkong nag-aalok ng credit card. Pero hindi lang interest ang nagpapalobo sa halaga ng iyong utang dahil may ipinapataw pa na penalty fee kung hindi ka nakapagbayad sa takdang panahon o kapag tuluyan mo nang inabandona ang utang mo.

Di hamak na mas mataas ang kinita ng bangko sa’yo kaysa sa kinita ng deposito mong pera sa kanila na hindi pa aabot sa 1% ang interest rate at sa loob pa ito ng isang taon.

Dahil sa interes at penalty charges, nasadlak sa utang si Analyn, hanggang sa dumating sa punto na hinabol na siya ng bangko. Ayon sa kanya: “Ayaw ko na sana bayaran so sinabi ko sa kanila na hindi ko babayaran ’yan with all the interest charges and all. Ayun in-ignore ko na siya totally until I received a demand letter from a collection agency. Tapos naka-forward na daw ’yung utang ko to a certain law firm.”

Ang utang, pwede nga ba talagang takasan? Para di na umabot sa hukuman ang singilan, anong magandang gawin ngayon pa lang?

___

Sa mga isyung lahat tayo may pakialam, manood na ng FAILON NGAYON tuwing Sabado pagkatapos ng "Pinoy Brother Otso"
alas-11 ng gabi sa ABS-CBN! 

Mapapanood ang replay ng FAILON NGAYON sa ANC tuwing Linggo, alas 2 ng hapon. 

Mag-kumento at ipahayag ang inyong saloobin sa aming official Facebook pages, https://www.facebook.com/failon.ngayon.fanpage.
 
I-follow din ang FAILON NGAYON sa aming official Twitter account sa https://www.twitter.com/Failon_Ngayon o @Failon_Ngayon at gamitin ang hashtag na #FailonNgayon.

Maaari ding mapanood ang ibang segments at episodes ng Failon Ngayon sa Youtube at iwant! Bisitahin lamang ang www.youtube.com/abscbnnews at ang www.iwant.ph