2 arestado sa pagbili, pagbebenta umano ng boto sa Sorsogon City

Karren Canon, ABS-CBN News

Posted at May 12 2019 08:04 PM

SORSOGON CITY - Dalawang lalaki ang nasa kustodya ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Sorsogon matapos maaktuhang sangkot umano sa vote buying and selling sa kanilang barangay sa Pangpang sa Sorsogon City Linggo ng hapon.

Nakuha mula sa dalawa ang mga campaign leaflets at P80,000 pera na umano'y nakalaan para sa pagbili ng boto.

May P1,000 laman ang bawat sample ballot kung saan nakalista umano ang mga kandidatong dapat iboto.

Ayon kay Police Major Steve Dela Rosa, provincial chief ng CIDG Sorsogon, simula pa nitong Sabado ay mas pinaigting na nila ang kanilang operasyon lalo na't marami ang lumalabas na impormasyon na talamak ang pagbili at pagbebenta ng boto sa siyudad.

Simula nitong Sabado, apat na ang mga nahuli na sangkot sa vote buying at selling na lahat ay haharap sa kasong paglabag ng omnibus election code ng Commission on Elections.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.