Tricycle driver, pinagbabaril sa Caloocan City

Isay Reyes, ABS-CBN News

Posted at May 12 2018 10:25 AM

MAYNILA – Patay ang isang tricycle driver matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga salarin, Biyernes ng gabi sa Caloocan City.

Sa kuha ng CCTV ng Barangay 49, makikitang huminto si Edgardo Clemente sa may 4th Avenue at nagbaba ng kaniyang pasahero alas-5 ng hapon. Tumambay pa ito sa lugar.

Dito na dumating ang apat na lalaki na sakay ng tatlong motorsiklo. Bumaba ang isang angkas at isa pang lalaki na naka-bull cap. Makikita din na may dalang baril ang isang lalaki na nakasuot ng helmet na puti.

Unang pinaputukan ng naka-helmet na suspek ang biktima hanggang sa humandusay ito sa kalsada. 

Binalikan pa ng lalaking naka-sombrero ang biktima at ilang ulit itong binaril sa mukha. Paulit-ulit din itong tinadyakan ng mga gunman. 

Mabilis na umalis ang mga salarin matapos ang pamamaril.

Nasa loob naman ng bahay ang tiyahin ng biktima nang marinig nito ang putukan. Hindi niya inakalang pamangkin na pala niya ang biktima.

Aminado sila na may bisyo ang pamangkin pero nagbabago na raw ito, ayon na rin sa patunay ng barangay. 

May pulis umano na nakaalitan ang biktima kamakailan.
 
Patuloy na iniimbestigahan ng awtoridad ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.