REHIYON: Patay na sanggol, natagpuan sa banyo

ABS-CBN News

Posted at May 12 2017 05:28 PM

Narito ang ilan sa pinakamalalaking balita sa Luzon, Visayas, at Mindanao. 

LUZON

6 sugatan sa pamamaril ng riding-in-tandem sa Vigan

Sugatan ang anim na tauhan at kostumer ng isang bar matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem gabi ng Huwebes sa Vigan City. 

Sa imbestigasyon, dumaan ang dalawang lalaki na nakaangkas sa motorsiklo at pinaputukan ang bar. 

"Binanatan ‘yung target nila, and then hindi na siya bumaba hanggang sa umalis na sila, e bumabanat pa rin," ani Supt. Marlo Castillo. 

Kuwento naman ng isa sa mga nasugatan, bigla na lamang may namaril kaya sila nagtakbuhan.

Naniniwala ang bouncer na si Jaril Milan na siya ang puntirya sa pamamaril sa Vigan City kagabi sa pinagtratrabahuhan nitong bar.

Isa sa mga itinuturong suspek ang kanyang kaanak na si Jaydee Paa. Ayon kay Milan, nasasabi umano ng suspek na papatayin ang kanyang lola dahil sinasabi nitong mambabarang ito. 

Namukhaan ni Jaris ang suspek at nahuli sa isinagawang operasyon kagabi, pero tigas sa pagtanggi ang sinasabing suspek at hiniling na tignan ang CCTV na nasa malapit sa lugar. Nag-paraffin test na din siya kaninang umaga. 

Bukod kay Milan, sugatan din ang waitress na si Levi Figares at mga kostumer na sina Elsa Rabara, Linden Cachola, Bryan Conception at Marcelino Arre.

Anim na basyo ng kalibre .45 ang narekober sa crime scene.

Personal na alitan nina Milan at Paa ang nakitang motibo sa pamamaril. Inihahanda naman ang kasong isasampa laban sa suspek. 

-- Ulat ni Bryan Realgo, ABS-CBN News

VISAYAS

Patay na sanggol, natagpuan sa abandonadong banyo sa Leyte

Natagpuang patay ang isang sanggol sa isang abandonadong palikuran sa Barangay Balocawe, Abuyog, Leyte noong Martes ng umaga. 

Ayon sa impormasyon mula sa Leyte Police Provincial Office, ilang residente ang nakakita sa nasabing patay na sanggol, at agad itong isinumbong sa mga awtoridad. 

Kinumpirma ng mga awtoridad na ang sanggol ay isang babae, at tinatayang dalawang araw pa lamang mula nang isilang. 

Nailibing na ang nasabing bangkay ng baby, ngunit kasalukuyan pa ring inaalam ng awtoridad kung sino ang nag-iwan ng sanggol sa palikuran. 

-- Ulat ni Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

MINDANAO

Higit 100 nalulong sa droga, nagtapos sa rehab program 

May 122 indibidwal ang nagtapos sa isang buwan ng rehabilitation program na isinagawa ng local na pamahalaan ng Claveria sa Misamis Oriental, kasama ang Recovery Service Group na binubuo ng mga dating drug dependents.

Sa programang ito, may counseling, team building, sports activities, spiritual guidance, at therapy kasama ang pamilya ng drug dependent.

Ayon kay ‘Alex’, isa sa mga nagtapos na nalulong nang 18 taon sa droga, nabago ang buhay niya ng programang ito, at naging mas malapit siya sa kanyang pamilya dahil dito.

Laking pasasalamat naman ni ‘Celine’, isa sa tatlong kababaihang nagtapos, para sa oportunidad na maisaayos ang kanyang buhay. Inalala din niya kung paanong nasira ng ilegal droga ang kanyang pamilya. 

Mula Mayo ng isang taon, nagkaroon na ng 5 rehabilitation program, at may 313 na ang nagtapos mula rito. 

Sa 24 na barangay sa munisipalidad ng Claveria, lima na ang nadeklarang drug-free, at umaasa ang pamahalaan na tataas pa ang numerong ito sa susunod na survey.

-- Ulat ni Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.