8 sa 10 suka sa bansa 'peke,' maaaring gawa sa petrolyong sangkap: pag-aaral

ABS-CBN News

Posted at May 11 2019 04:32 PM | Updated as of May 11 2019 06:06 PM

Sinusuri ng isang PNRI research ang mga sample ng suka gamit ang liquid scintillation counter. Larawan mula sa DOST-PNRI website

MAYNILA — Tinatayang nasa 80 porsiyento ng 360 sukang sinuri ng Department of Science and Technology – Philippine Nuclear Research Institute (DOST-PNRI) ang umano'y "peke" at hindi gawa sa mga natural na sangkap.

Sa inilabas na press release ng DOST-PNRI nitong Biyernes, nilantad nila ang resulta ng kanilang "isotope-based analytical techniques" sa mga suka sa bansa, at lumabas na karamihan dito ay synthetic acetic acid lamang at hindi gawa sa mga natural na ingredients.

Hindi binanggit ng PNRI sa pahayag ang mga nasabing vinegar brands.

"Recent studies on hundreds of vinegar samples in the Philippines showed that most of these products are 'fake' and not made from natural sources," ayon sa pahayag.

Layon ng pag-aaral na alamin kung plant-based o petroleum-based ang ginamit na mga sangkap sa suka.

"Condiments usually undergo the process of fermentation, and the raw materials must come from fruits and other natural products... One can only imagine all the impurities and residues from the petroleum by-products, which can be the source of various degenerative diseases," sabi ni Raymond Sucgang, Section Head ng PNRI Nuclear Analytical Techniques Applications Section.

(Ang mga pampalasa ay karaniwang sumasailalim sa proseso ng fermentation at dapat mula sa mga prutas at iba pang natural na produkto ang pinagmulan nito... Isipin niyo na lang ang lahat ng dumi at katas na maaaring makuha sa mga produktong petrolyo, na maaaring magdulot ng iba't ibang sakit.)

Ipapasa ng DOST-PNRI ang resulta ng kanilang pag-aaral sa Food and Drug Administration (FDA) upang makapagbalangkas ito ng panibagong pamantayan sa paggawa ng suka sa bansa.

Gagawa rin daw sila ng parehong pagsasaliksik sa mga ketchup, toyo, at patis.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.