Mga guro at pulis na kasapi ng electoral board sa ARMM, handa na

Jasper Acosta, ABS-CBN News

Posted at May 11 2018 02:03 PM

Isinailalim sa training ang 1000 pulis na hahali sa mga gurong aatras bilang kasapi ng electoral board sa barangay at Sangguniang Kabataan elections sa ARMM. Photo courtesy of COMELEC-ARMM.

COTABATO CITY – Handa nang magsilbi ang may 6,000 mga guro bilang kasapi ng electoral board sa 5 probinsiyang sakop ng Autonomous Region in Muslim Mindanao para sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Lunes.

Ang limang mga lugar ay ang Maguindanao, Lanao, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi. Ito ang kinumpirma ni Department of Education-ARMM Secretary Atty. Rasol Mitmug.

Pero sa lalawigan ng Maguindanao, nag-abiso na sa DepEd-ARMM ang ilang guro sa bayan ng Talitay na hindi magsisilbi bilang miyembro ng electoral board dahil sa pangamba sa kanilang kaligtasan.

Isa ang bayan ng Talitay sa mga tinukoy ng Philippine National Police na kabilang sa areas of concern ngayong eleksiyon dahil sa presensiya ng armadong grupo.

Sakaling hindi magsilbing miyembro ng electoral board ang mga guro sa bayan ng Talitay, pulis ang hahalili sa kanila sa eleksyon.

Isinailalim na sa training ang abot sa 1,000 pulis ng Police Regional Office-ARMM na papalit sa mga gurong aatras sa pag-upo bilang electoral board sa halalan.

Ayon kay Chief Superintendent Graciano Mijares, Police Regional Office ARMM Director, 784 na pulis ang hiniling sa kanila ng Comelec-ARMM na magsilbi bilang miyembro ng electoral board sa halalan.

“Ginawa na nating 1000 ang pulis na isinailalim sa training na magsilbi sa halalan para may contingency kung sakaling kukulangin pa,” sabi ni Mijares.

Pinakaraming pulis na magsisilbi bilang miyembro ng electoral board ay sa lalawigan ng Lanao del Sur.

Payo naman ni Mitmug sa mga kasapi ng electoral board na panatilihin ang pagiging non-partisan at maging alerto para sa kanilang seguridad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.