Rehiyon: Sekyu, umamin sa pagpatay sa OFW

ABS-CBN News

Posted at May 11 2017 05:08 PM

Narito ang ilan sa pinakamalalaking balita sa Luzon, Visayas at Mindanao. 

LUZON

Guwardiyang nagpanggap na army, umamin sa pagpatay sa OFW

Sumuko na noong Miyerkoles sa pulisya ang suspek sa pagpatay sa babaeng nakuha sa ilalim ng kama sa isang motel sa Daet, Camarines Norte.

Umamin si Cesar Sulivan, Jr., alyas 'Sander Martinez' na sinaksak niya nang paulit-ulit si Sarah Mae Cabatingan pero ipinagtanggol lang umano niya ang sarili matapos siyang pagtangkaing saksakin ng babae.

Nagalit umano ang babae nang malaman niyang may asawa at anak na si Sulivan.

Nagkarelasyon ang dalawa noong Marso matapos magkakilala sa Facebook.

Isang guwardiya si Sulivan pero nagpanggap siyang army officer kay Cabatingan na isang Overseas Filipino Worker sa Saudi Arabia.

Sinampahan na ng kasong murder si Sulivan.

Paalala naman ng Philippine National Police sa publiko, huwag basta-basta maniniwala at magtitiwala sa nakikilala sa social media.

VISAYAS

73 indibidwal, huli sa 'one time, big time' operation

Naaresto ng Cebu City Police Office ang 73 nahuli kabilang ang 10 babae sa 'one time, big time' operation na isinagawa ng 11 istasyon ng pulis noong Miyerkoles.

Nakumpiska mula sa mga nahuli ang tinatayang P1 milyong halaga ng hinihinalang shabu, mga baril at drug paraphernalia.

Napansin naman ng pulisya na dumarami ang mga babaeng nahuhuli sa droga na nakuhanan ng ilang sachet ng hinihinalang shabu.

Kabilang sa mga nahuli si Riza Duazo, 28-anyos na naaresto sa buy bust operation sa Brgy. Carreta, Cebu City.

Ayon sa pulis, si Duazo ang nagpatuloy ng negosyo sa droga ng kanyang mister na naaresto noong isang taon.

Itinanggi naman ito ni Duazo at sinabing hindi iyon sa kanya.

Ayon kay CCPO C/Insp. Christopher Navida, dumarami ang bilang ng mga babaeng naaresto nila. Tinitingnan pa umano nila kung ano ang posibleng rason kung bakit mayroong pagtaas sa mga babaeng may involvement sa ilegal na droga.

MINDANAO

Mga sundalong nasugatan sa pagharap sa BIFF, binigyang parangal

Ginawaran noong Miyerkoles ng umaga ng parangal ng 6th Infantry Division ang mga sundalong nasugatan ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters sa Datu Salibo, Maguindanao.

Iginawad ni Major General Arnel dela Vega, ang commander ng 6th Infantry Division, ang ''Wounded Personnel Medal'' sa mga sundalo na naka-confine sa Camp Siongco Station hospital.

Sila ang mga sundalong nakadestino sa cowboy detachment ng 57th Infantry Battalion sa Barangay Sambulawan ng Datu Salibo, Maguindanao. Nanggulo umano ang Bangsamoro Islamic Liberation Front sa kanilang detachment noong weekend, at pinaputukan ng rifle propelled grenade. Nagtamo ng shrapnel wounds ang mga sundalo.

Sa kabila ng ginawa ng rebeldeng grupo sa mga kampo at detachments ng militar, hindi umano matitinag ang mga sundalo ng 6th Infantry Division. Bagkus, pagtitibayin pa nila umano ang kanilang pagganap sa kanilang sinumpaang tungkulin para sa bayan. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.