Mag-asawa, nahulihan ng P200,000 halaga ng 'shabu' sa QC

ABS-CBN News

Posted at May 10 2019 05:31 AM

MANILA - Timbog ang isang mag-asawa sa buy-bust operation sa Cenacle Drive, Culiat, Quezon City nitong Huwebes.

Nasamsam sa kanila ang nasa 30 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P200,000.

Ayon kay Police Lt. Col. Alex Alberto ng Quezon City Police District (QCPD) Station 3, matagal na umano nilang binabantayan ang mga suspek.

"Marami silang binabagsakan," aniya.

Itinanggi naman ng mga suspek ang alegasyong sila'y tulak. Bigla na lang umano silang hinuli sa loob ng kanilang bahay na taliwas sa video na ipinakita ng mga pulis.

Makukulong ang mag-asawa dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. - Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.