Daraga mayor na utak umano sa pagpatay sa mambabatas sumuko

ABS-CBN News

Posted at May 10 2019 02:39 PM

Sumuko sa mga awtoridad nitong Biyernes ang alkalde ng Daraga, Albay na si Carlwyn Baldo kasunod ng inilabas na arrest warrant laban sa kaniya.

Ang utos ay kaugnay sa pagpatay kay Ako-Bicol party-list Rep. Rodel Batocabe.

Si Baldo ang sinasabing mastermind sa pagpatay kay Batocabe, na pinagbabaril noong Disyembre habang namimigay ng mga regalo sa mga senior citizen at persons with disability sa Daraga, Albay.

Sinasabing tatakbo sana si Batocabe sa pagkaalkalde ng Daraga kung saan niya makakalaban ni Baldo.

Dakong 8:30 ng umaga Biyernes nang sumuko si Baldo sa sala ni Judge Maria Teresa Lubrigano ng Legazpi City Regional Trial Court.

Nahaharap sa 2 counts ng kasong murder at 6 counts ng attempted murder si Baldo, na tumatakbong alkalde ng Daraga. Makakalaban niya ang biyuda ni Batocabe.

Dalawang beses pumunta ang mga pulis sa bahay ni Baldo noong Lunes para magsilbi ng arrest warrant pero hindi na nila ito naabutan.

Noong Enero, una nang naaresto si Baldo dahil sa pag-iingat ng mga hindi lisensiyadong baril pero kalaunan ay nakalaya rin matapos magpiyansa.


—May ulat ni Karren Canon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.