Banyagang lalaki nahulihan ng baril, bala, droga, sangkot umano sa online scam

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at May 10 2019 04:59 PM

Arestado ang isang lalaking mula sa bansang Cameroon sa isinagawang paghahain ng search warrant ng Criminal Investigation and Detection Group sa Angeles City, Pampanga. Gracie Rutao, ABS-CBN News

ANGELES CITY, Pampanga – Arestado ang isang lalaki na mula sa bansang Cameroon matapos mahulihan ng baril, bala at ilegal na droga sa tinutuluyang bahay nito sa Barangay Pulung Maragul, Huwebes ng hapon.

Abot langit din ang pagtanggi ng suspek na si Emmanuel Muzam na sangkot siya sa cyber fraud at scam nang arestuhin ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni Judge Omar Viola ng Angeles City Regional Trial Court Branch 57.

Nakuha mula sa suspek ang isang kalibre .38 na baril, mga bala at sachet ng hinihinalang shabu. May laptop din at identification cards na magkakaiba ang pangalan pero mukha niya ang nakalarawan.

Depensa ng suspek, lehitimo ang kaniyang buy and sell online business at walang kinalaman ito sa droga.

“I sell clothes online. I also have a ticketing office. I don’t do drugs," pagtanggi nito.

Pero ayon sa CIDG, kumpleto ang mga testigo, ebidensiya at dokumento na magpapatunay na sangkot si Muzam sa panloloko online.

“May na-receive kaming information, and then through intelligence research and case build up, nagresulta sa operation na ito,” sabi ni Police Capt. Arvin Hosmillo, hepe ng CIDG Angeles City Field Unit.

Modus ng suspek na magbenta ng iba’t ibang produkto online. Kung kaunti lang ang order kaagad na ipinapadala ito pero kung maramihan na, wala na silang ipadadala at kukunin lang ang ibinayad na pera.

“Grupo sila. They are African nationals, Nigerian, Cameroonian na involved sa online fraud, scam, illegal drugs, hindi lang siya. Magtutuloy-tuloy ang imbestigasyon natin dito para makuha pa 'yung kasama niya," sabi ni Hosmillo.

Dadaan sa ballistic examination ang nakuhang baril para malaman kung ginamit na ito sa iba pang krimen.

Mahaharap naman sa kasong illegal possession of firearms and ammunition at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Access Devices Regulation Act of 1998 ang nahuling suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.