Angkas maaari na muling pumasada

ABS-CBN News

Posted at May 10 2019 07:15 PM | Updated as of May 10 2019 08:12 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinayagan ng Department of Transportation (DOTr) na pansamantalang pumasada muli at kumuha ng mga pasahero ang ride-hailing application na Angkas.

Ito'y sa ilalim ng 6-month test run ng binalangkas na patakaran ng DOTr para sa motorcycle taxis.

Maaaring pumasada ang Angkas sa Metro Manila at Cebu, base sa kautusan ng DOTr.

Dapat ding may ID, helmet, at reflectorized vest ang driver. Ang motor, dapat may strap na maaaring hawakan ng pasahero.

Dapat ding nakapantalon at sapatos ang driver.

Oobligahin din ang mga Angkas driver na magkaroon ng insurance coverage.

Kailangan din na sa motorcycle app kukuha ng sakay ang mga driver at hindi sila maaaring kumuha ng pasahero mula sa kalsada nang basta-basta.

Aabot sa P50 ang flagdown rate ng mga motorcycle taxi gaya ng Angkas para sa unang 2 kilometro. May dagdag naman na P10 sa mga susunod na 7 kilometro. Kung lalagpas pa sa 7 kilometro, may karagdagang P15 singil sa mga susunod pang kilometro.

Ayon kay DOTr Undersecretary Mark De Leon, kinailangan nilang gawin ito para sa kaligtasan ng mga sasakay sa motorsiklo.

"We should have that strict monitoring mechanism para anytime na may major crash eh kasama 'yan sa ating gagawing evaluation dito," ani De Leon.

Tiniyak naman ng pamunuan ng Angkas na magiging puspusan ang kanilang information at education campaign pagdating sa mga patakaran.

Matatandaang ilang beses ipinatigil ang operasyon ng Angkas dahil sa umano'y peligro nito sa mga pasahero.

-- Ulat ni Bettina Magsaysay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.