7 timbog sa droga sa Lucena City; 130 sachet ng 'shabu' kumpiskado

ABS-CBN News

Posted at May 10 2019 07:53 PM | Updated as of May 10 2019 09:32 PM

Arestado ang pitong tao sa serye ng paghahain ng mga search warrant ng pulisya sa Lucena City nitong madaling araw hanggang umaga ng Biyernes.

Unang nilusob ng pulisya ang bahay ng drug suspect na si Bernie Diaz kung saan nadiskubre ang 14 sachet ng umano'y shabu na nakatago sa mga kahon ng posporo.

Depensa ni Diaz, hindi nakakandado ang kaniyang bahay kaya maaaring may ibang nagtanim ng droga doon.

Watch more in iWant or TFC.tv

"Hindi naman kami nagamit ng posporo... Hindi ko po ito sinasarado maghapon, kaya pag minsan hindi ko alam kung may napasok dito. Hindi ako nagtutulak o nagda-drugs," sabi niya.

Sunod naman na sinalakay ang bahay ng anak kaniyang si Gary Diaz, kung saan nakitang nakatago sa likod ng imahen ang 15 sachet ng hinihinalang shabu.

Giit ni Gary, hindi naman siya gumagamit ng shabu. 

"Hindi po sa akin 'yan.... Nagulat nga po ako bakit andiyan 'yan," sabi niya.

Dalawa lang ang bahay ng mag-ama sa 12 kabahayan sa Barangay 10 at Barangay Cotta sa Lucena City na sinuyod ng Quezon Police Provincial Office sa bisa ng search warrants.

Sa mahigit walong oras na operasyon ay pito ang inaresto at 130 sachet ng droga ang nasamsam na nagkakahalaga ng P110,000. 

Ayon sa provincial police, isang area of concern ang Barangay Cotta dahil sa mga naitalang drug cases dito.

Noong Marso, dalawang drug suspect ang napatay sa magkahiwalay na police operation sa barangay. 

"We have reports na some of our surrenderees... ay bumabalik sa paggamit at pagbenta ng droga," sabi ni Police Col. Ramil Montilla, director ng Quezon Police Provincial Office.

Naghahanda ng follow-up operation ang pulisya para sa mga target na hindi naabutan sa mga bahay.—Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.