400 guro inalis, umatras bilang election inspector sa Lanao Del Sur

ABS-CBN News

Posted at May 10 2019 08:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tututukan ngayon ng mga awtoridad ang seguridad sa ilang lugar sa Mindanao, partikular na sa Lanao del Sur upang kontrahin ang ano mang karahasang maaaring mangyari doon. 

Mahigit 100 pulis ang idadagdag sa Lanao del Sur dahil sa mga ulat umano na target manggugulo ng ilang grupo sa halalan para magkaroon ng failure of elections.

"Lahat 'yan may contingency planning tayo. Nag-rehearse tayo ng mga tao. Pinaghandaan natin lahat ng possible scenario," ani Police Col. Madzgani Muksan Mukaram, hepe ng Lanao Del Sur police.

Bukod pa rito, aabot sa 400 guro ang umatras at na-disqualify bilang Board of Election Inspector (BEI) kaya hindi na sumipot sa pagte-testing ng mga vote counting machine. 

"May (banta) na mga susunuging eskuwelahan. May history kasi na sinusunog ang mga eskuwelahan. May history din na mang-aambush sila," ani Mukaram. 

Bilang tugon, papalitan ang mga naalis na guro ng mga pulis na isinailalim na sa training sa pagiging BEI. 

Agad ding nagpulong ang mga rescue team para paghandaan ang posibleng karahasan sa probinsiya, ayon kay Saripada Pacasum, pinuno ng Disaster Risk Reduction and Management Office ng Lanao del Sur.

“What we will be doing ay i-spread namin ang mga responders, aside sa mga nasa tent, ikakalat din sila to roam around precincts para mas mabilis makaresponde,” ani Pacasum.

Ayon sa Commission on Elections (Comelec), magdedeklara lang sila ng failure of election kung talagang imposible na makaboto ang mga tao.

"Kapag once na merong commotion it does not follow na automatic failure of election na. Posibleng ma-suspend muna ang voting, but as soon as ma-clear ang gulo, mag-resume tayo,” ani Allan Kadon, Comelec supervisor ng Lanao Del Sur. 

Watch more in iWant or TFC.tv

MARAWI 

Todo na rin ang paghahanda sa halalan sa Marawi City, na naging sentro ng limang buwang bakbakan ng militar at Maute-ISIS noong 2017. 

Higit 63,000 ang rehistradong botante sa siyudad. Pero aabot sa 20 barangay ang hindi pa makakauwi dahil sa hindi pa natatapos na rehabilitasyon dito. 

Hangad ng militar na mabago ang nakasanayang karahasan tuwing halalan sa Marawi, kung saan siyam ang kandidatong maglalaban sa pagkaalkalde. 

Layon din nilang maulit ang umano’y mapayapang eleksiyon noong barangay at Sangguniang Kabataan elections sa lugar, maging sa plebisito ng Bangsamoro Organic Law noong 2018. 

“We are also basing on our experience during the barangay, SK election pati sa plebisiito. We are hoping the same thing will happen sa national and midterm elections,” ani 103rd Infantry Brigade commander Col. Romeo Brawner. 

Inihanda na rin ng Comelec ang mga back-up na pulisyang maaaring magsilbing BEI sa Marawi City sakaling magkaroon ng karahasan. 

Dapat din anilang paghandaan ang mga BEI na gumugunita sa Ramadan, lalo’t magpa-fasting ang ilan. 

Babantayan din ang vote-buying sa mga nabanggit na lugar. -- Ulat nina Jeff Canoy at Ron Gagalac ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.