'Shabu', granada, nakumpiska sa opisyal ng LTO sa Tarlac

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at May 10 2018 04:47 PM

Naaresto ang officer-in-charge ng Land Transportation Office - Tarlac District Office na si Rogel Yambao matapos makitaan ng droga habang naghahain ng search warrant ang awtoridad. Photo courtesy of Police Regional Office 3

TARLAC CITY – Isang mataas na opisyal ng Land Transportation Office (LTO) na nasa drug watchlist ang naaresto matapos makakita ng droga ang mga awtoridad nang maghain ng search warrant laban sa kaniya, Miyerkoles ng hapon. 

Nakilala ang suspek na si Rogel Yambao, 59-anyos, officer-in-charge ng LTO Tarlac District Office. Ayon sa awtoridad, isang high-value target level 2 si Yambao.

Naaresto si Yambao sa Barangay San Roque matapos ihain ng awtoridad ang search warrant na ipinalabas ni Executive Judge Lily De Vera-Vallo ng Tarlac City Regional Trial Court Branch 64 dahil sa umano'y pagiingat niya ng droga. 

Nasamsam sa suspek ang siyam na piraso ng sachet ng hinihinalang shabu, isang granada at 17 piraso ng cartridge umano ng kalibre .45 na baril.

Naisampa na ng awtoridad ang mga kaso laban sa suspek.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.