Di pagtatalik ng 10 buwan, basehan ng annulment

ABS-CBN News

Posted at May 10 2018 08:29 PM

Editor's Note: May mga tinatalakay na seksuwal at hindi pambatang paksa ang artikulong ito. Mahalaga ang wastong paggabay sa mga wala pa sa tamang edad o disposisyon para magbasa o umintindi ng ganitong mga bagay.

Naging basehan ng annulment o pagpapawalangbisa ng kasal ng isang mag-asawa ang hindi nila pagtatalik sa loob ng 10 buwan mula nang sila'y mag-isang dibdib.

Sa programang "Ipaglaban Mo," binigyang buhay ang naging kaso ng mag-asawang sina alyas April at Richard.

Inilarawan sa #IMBitin episode ang ilang pagkakataong sinubukan ni April na makipagniig sa mister pero lagi siyang nabibigo.

Maging sa mismong honeymoon nila noong sila'y bagong kasal, tinulugan umano ni Richard si April.

Ayon kay Atty. Jopet Sison, dahil hindi umano nakikipagtalik ang mister, legal na ipinetisyon ng misis na mapawalang bisa ang kanilang kasal.

"Napilitan si April na magsampa ng petisyon sa korte upang ideklarang walang bisa ang kanilang kasal ni Richard sa simula't simula pa dahil nga sa kaniyang walang kakayahang makipagtalik upang sila ay magkaanak na isa sa mga katungkulang kinakailangang tuparin at gampanan ng asawa," paliwanag ng nakababatang Sison.

Batay rin sa ilang tagpo sa episode, humarap sa korte sina April para igiit sa korte ang karapatan niyang makipagniig sa mister habang nanindigan naman si Richard na wala sa kaniya ang problema.

"Simula po noong ikasal kami, wala pong nangyari sa 'min kahit minsan. Ni hindi ko nga po nakita ang kaniyang pagkalalaki at wala rin siyang interes na makita ang aking pagkababae. May hinala ho ako na impotent siya at nahihiya siya sa 'king aminin 'yon," sabi ng karakter ni April na ginampanan ng aktres na si Cristine Reyes.

Pinagdudahan din ni April na may iba pang dahilan kung bakit ayaw makipagniig ng kaniyang mister.

"May hinala po ako na bakla siya," sabi ni April na ipinunto pang minsan niyang nahuli si Richard na gumagamit ng eyebrow pencil at cream.

Naniniwala rin si April na kaya lang siya pinakasalan ni Richard ay para magkaroon ng permanent residency sa Pilipinas dahil Chinese businessman ang mister.

Pero iba naman ang takbo ng kuwento ni Richard na ginampanan ni Ahron Villena.

"Hindi po ako impotent, I have no defects. I am physically and psychologically capable. I have medical records to prove that. Hindi po ako bakla. Kung hindi man po kami magsiping o magtalik ng asawa ko. Hindi ko na kasalanan 'yon. Si April po ang umiiwas na magsiping kami. I forced her once na magtalik kami pero nanginginig siya at ayaw niya po talaga kaya di na ko sumubok ulit," depensa ni Richard.

Sabi pa ni Richard, hindi siya papayag na maghiwalay silang mag-asawa.

"Naniniwala po ako na puwede naming ayusin kung ano man ang pagkakaiba naming mag-asawa."

"Hindi ako papayag na mahiwalay kami nang gano'n gano'n lang"

Gayunman, nagdesisyon ang korte pabor sa petisyon ni April.

"Idineklara pa rin ng mababang hukuman na talagang walang bisa ang kasal ni April at Richard sa simula't simula pa dahil nga walang sapat na pangkaisipan si Richard na makipagtalik na isa sa kaniyang tungkulin bilang asawa," ani Atty. Jose Sison. "Ang desisyong ito ay kinumpirma ng Court of Appeals at Korte Suprema."

Dagdag ng nakatatandang Sison, batay sa desisyon ng Korte Suprema, si Richard mismo ang umamin na hindi siya nakipagtalik sa loob ng 10 buwan mula nang sila'y ikasal kahit na umano'y may kakayahan siyang makipagtalik.

"Ang kaniyang abnormal o di tamang pag-aatubiling makipagtalik kay April upang maisakatapuran ang kanilang pagpapakasal ay matibay na nagpapahiwatig ng grabeng kawalang-ayos ng kaniyang pagkatao at ng kaniyang walang kakayahang bigyang kahulugan at kahalagahan ang kasal," ani Jose Sison. 

"Ito ay talagang patunay na wala siyang sapat na kaisipan upang gampanan ang tungkulin ng isang asawa."

Nagpaalala naman ang mag-amang Sison na ang kasal, gaya ng anumang kasunduan, ay mayroong kalakip na mga obligasyong dapat tuparin ng mag-asawa.

"Huwag po tayong papasok sa isang kasunduan o kontrata kung hindi natin kayang tuparin ang katungkulang ipinangako nating gampanan sa ilalim po nito," ani Jopet Sison. "Ang paglabag sa isang kasunduan, kailanman ay hindi tama at wala sa katwiran."

"Ang kasunduan o kontrata sa pagitan ng dalawa o higit pa sa dalawang tao ay itinuturing na isang batas sa pagitan ng mga partido na nagkasundo. Ang paglabag dito ay parang paglabag na rin sa isang batas sapagkat ito ang isang utos na hindi mababali," paliwanag ni Jose Sison.

"Ang patakarang ito ay higit na ipinatutupad lalo na kung ang kasunduan ay itinuturing ng ating estado na isang banal na kasunduan tulad ng kasalan kung saan kailangang may kakayahang makipagtalik para magkaanak at makabuo ng pamilya."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.