REHIYON: Bakbakan sa Maguindanao, higit 15,000 lumikas

ABS-CBN News

Posted at May 10 2017 03:52 PM

Narito ang ilan sa pinakamalalaking balita sa Luzon, Visayas at Mindanao. 

LUZON

Dayuhan, pinagsasaksak sa bahay sa El Nido

Duguan at walang buhay nang matagpuan ng kanyang anak ang 73-anyos na si Naoko Germain Hiler sa loob ng kanilang bahay sa El Nido, Palawan noong Biyernes, Mayo 5. Isa sa umano'y dalawang salarin ang nahagip ng CCTV camera.

Tadtad ng saksak ang biktimang citizen ng America. Nawawala rin ang isang safety box na pag-aari niya.

Nahagip ng CCTV camera ang isa sa dalawang posibleng may kagagawan sa krimen.

Makikita sa footage mula sa labas ng bahay ng biktima ang isang lalaking nakatakip ang mukha, nakasuot ng puting damit at pantalon. May bitbit itong patalim at tila nagmamasid.

Makalipas ang ilang sandali, lumapit siya sa pintuan ng bahay at tila sinusubukang buksan.

-- Ulat ni Cherry Camacho, ABS-CBN News

VISAYAS

P15M halaga ng droga, nasabat sa Bacolod

Nasabat sa buy-bust operation ng Philippine National Police ang may P15 milyon halaga ng iligal na droga, pero nakatakas ang pangunahing target sa operasyon.

Ang inakala ng mga pulis na buy-bust operation sa small-time pusher sa Bacolod City ay nauwi sa malakihang operasyon nang umabot sa isang kilong hinihinalang shabu ang nakuha nila sa suspek na si Reynante Villanueva. Tinatayang nagkakahalaga ito ng P15 milyon.

"’Yung surveillance namin, pabili lang po, ‘yung maliliit lang parang P1,000 worth lang po, and we did not expect na yun pala ang laman nito may isang kilo pala dito sa loob," ayon kay Chief Supt. Benedicto Villarias, ang hepe ng Station 2 ng Bacolod City police. 

Mabilis namang nakatakas si Villanueva. Naaresto naman ang misis niyang si Julie na iginiit na wala siyang alam sa gawain ng mister.

Hinuli rin ng pulis si Jan de Ocampo na malapit sa pinangyarihan ng buy-bust. Nakuha sa kanya ang tatlong sachet ng hinihinalang shabu. Wala naman daw siyang kinalaman sa nakatakas dahil napadaan lang siya umano.

Iniimbestigahan ngayon ng Bacolod City Police kung ang nakatakas na si Villanueva ay isa sa malalaking drug suppliers sa Bacolod.

-- ulat ni Martian Muyco, ABS-CBN News

MINDANAO

Higit 15,000 lumikas dahil sa bakbakan sa Maguindanao

Mahigit 15,000 residente na ang lumikas dahil sa opensiba ng militar laban sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at umano'y Indonesian terrorists sa Maguindanao. Sa tala ng militar, 20 na ang nalagas sa BIFF at pitong sundalo naman ang sugatan.

Mahigpit ang seguridad at maya't maya ang pagpapakawala ng bomba ng militar sa ilang bahagi ng Maguindanao.

May checkpoint ang mga sundalo mula sa bayan ng Datu Saudi pababa sa bayan ng Datu Salibo. Nakaumang din ang mga tangkeng pandigma.

Biyernes ng gabi nang simulan ng militar ang operasyon laban sa BIFF partikular sa grupo ni Commander Bungos at sa anim na umano'y Indonesian bomb makers.

Tiniyak ng militar na BIFF lang ang target nila at hindi madadamay ang base command ng MILF sa lugar, pero apektado ang mga residente at kanilang kabuhayan.

"Putok ng eroplano. Matagal. Sa may looban sa barangay. Hindi namin alam sino pinaputukan. Dapa lang kami dito sa gilid ng bahay. Di kami 'nagbakwit' kasi wala na kaming mapuntahan," ayon sa residenteng si Hamdan Samsudin.

"Di kami makapangisda dahil sa mga putukan. Tinitipid na lang namin kung anong meron kami ngayon,” dagdag ng isa pang residenteng si Raiz Abdullah.

Sa tala ng lokal na pamahalaan, pitong barangay at mahigit 15,000 residente ang apektado ng operasyon.

"Kailangan natin ang tulong ng DSWD (Department of Social Welfare and Development) o ARMM (Autonomous Region of Muslim Mindanao) help o kahit NGO (non-government organizatoin). Kailangan ng pagkain. Ayaw lang pumunta ng mga tao sa evacuation center," ani Cashmer Ampatuan, information officer ng Shariff Aguak sa Maguindanao. 

-- ulat ni Arianne Apatan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.