Chinese food plaza tigil-operasyon muna dahil sa mga paglabag

ABS-CBN News

Posted at May 09 2019 05:58 PM | Updated as of May 09 2019 08:46 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Ipinatigil muna ng gobyerno ang operasyon ng isang Chinese food plaza sa Las Piñas City matapos umanong makitaan ng sari-saring paglabag.

Sinilip ng inspection team ng Department of Trade and Industry (DTI) ang nasabing food plaza matapos kumalat sa social media na Chinese nationals lang ang puwedeng kumain doon.

Nang subukang kumain ng mga hindi nagpakilalang mga taga-DTI ay pinagbilhan naman sila.

"Sigurado tayo na open to the public para at least, mawala na iyong discrimination part," ani Trade Secretary Ramon Lopez.

Pero napuna ni Lopez na agad nagpulasan ang mga cook at iba pang nakatao sa stalls na mukhang Chinese nang siya ay dumating kasama ang iba pang mga naka-unipormeng tauhan ng DTI.

Ipinagbigay-alam na ni Lopez sa Department of Labor and Employment at sa Bureau of Immigration ang mga kahina-hinalang empleyado ng food plaza para imbestigahan.

Bukod sa work permit ng mga maaaring dayuhang empleyado, pinasusuri rin ng DTI sa lokal na pamahalaan kung may business permit ang lahat ng 30 stall sa loob ng plaza.

Sinita rin ng DTI ang paggamit ng ilang stall ng resibong may nakasulat na Chinese character dahil hindi umano ito rehistrado sa Bureau of Internal Revenue.

"Hindi BIR-sanctioned iyon so violation na 'yon," ani Loez.

Kinuwestiyon din ng DTI ang pagbebenta ng exotic dish at waste disposal ng ilang stall.

Dumederetso raw kasi ang maruming mantika sa open creek, na namumuo at nangangamoy na.

Soft opening pa lang daw ang establisimyento at sa kalagitnaan pa ng Mayo nakatakdang magbukas.

Inutusan na ni Lopez ang regional offices ng DTI na i-check ang mga nasasakupang mga establisimyento kung may mga kaso ng diskriminasyon sa mga Pinoy na kliyente.

--Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.