Sereno, balik-trabaho sa Korte Suprema

ABS-CBN News

Posted at May 09 2018 04:32 PM | Updated as of May 09 2018 09:03 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Balik-trabaho na sa Korte Suprema si Chief Justice Maria Lourdes Sereno matapos ang kaniyang "wellness leave" na tumagal nang higit dalawang buwan.

Bandang alas-7:30 ng umaga Miyerkoles nang dumating sa Supreme Court (SC) ang punong mahistrado. 
    
Lumabas pa si Sereno sa kaniyang opisina at kumaway sa mga tagasuporta na nasa labas at nag-aabang sa kaniya.

Ang pagbabalik ni Sereno ay nangyari dalawang araw bago ang nakatakdang special en banc session ng mga mahistrado, kung saan inaasahang pagbobotohan ang quo warranto case laban sa kaniya. 

Marso 1 nang simulan ni Sereno ang kaniyang indefinite wellness leave kasunod ng consensus ng mayorya na pagbakasyunin muna siya sa gitna ng impeachment complaint laban sa kaniya.

Protesta, ikakasa sa paglabas ng desisyon sa 'quo warranto'

Kasabay ng nakatakdang botohan ng mga mahistrado sa quo warranto petition laban kay Sereno, tatapatan naman ito ng kilos-protesta ng Coalition of Justice.

Tinawag na 'Jericho March' ng grupo ang kanilang aktibidad sa Biyernes sa Padre Faura.

Alas-4 pa lamang ng madaling araw sa Biyernes ay pupuwesto na sila sa paligid ng SC para ipanawagan ang pagbasura sa petisyon.

Giit nila, dapat ibasura ang quo warranto dahil hindi ito naaayon sa Konstitusyon at tanging impeachment lamang ang paraan para maalis sa puwesto ang punong mahistrado.

Ikinatuwa naman ng grupo ang pagbabalik sa trabaho nitong Miyerkoles ni Sereno.

Ang Coalition of Justice ay binubuo ng nasa 60 grupo mula sa simbahan, political party, civil society group, at mga dati at kasalukuyang opisyal ng gobyerno.

--May ulat nina Ina Reformina at Robert Mano, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.