Mga eksperto, gustong imulat ang publiko sa panganib ng depresyon

ABS-CBN News

Posted at May 09 2018 07:54 PM

Nagsanib-puwersa ang mga eksperto, guro, at kabataan para magsagawa ng information campaign tungkol sa mental health.

Ayon sa mental health professionals, mahalaga na maging mulat ang publiko sa lumalaganap na problema ng mental health sa mga Pinoy na maaaring mauwi sa depresyon at suicide.

Sa datos ng National Youth Commission (NYC), dalawa sa bawat 10 kabataan na may edad 15 hanggang 30 ang nakaisip na magpakamatay para wakasan ang problema. 

Ayon naman sa World Health Organization (WHO), higit 800,000 ang namamatay kada taon dahil sa suicide o isa sa bawat 40 segundo sa buong mundo.

Isa ang anak ni alyas "Grace" sa mga naging biktima ng suicide.

Halos 20 taon na ang nakalilipas matapos mag-suicide ang kaniyang 21 anyos na anak ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin niya alam ang dahilan sa likod nito.

Single mother si Grace at nagtatrabaho sa abroad noon.

Ayon sa Philippine Mental Health Association (PMHA), dapat alamin ang warning signs ng suicide.

Narito ang ilan sa warning signs na dapat bantayan, ayon sa PMHA: 

1. Labis na kalungkutaan na tumatagal ng apat na buwan o higit pa;

2. Pagkukulong sa kuwarto; 

3. Pagbabago ng ugali at hindi pag-aayos ng sarili; 

4. Paghahanda, gaya ng pamimigay ng mga personal na gamit; 

5. Pagbabanta sa balak gawin. 

Sabi ng mga eksperto, mahalagang malaman ng mga magulang ang mga dapat gawin para maiwasang magkaroon ng suicidal na anak.

Una na ang tamang paggabay at paglaan ng oras para sa bonding ng pamilya. 

Maaari ring limitahan ang paggamit ng computer o smartphone at social media. 

Huwag mag-atubiling ipakonsulta sa mental health professional kapag napapansing lumalala ang sitwasyon ng bata.

Puwede ring dumulog sa Hopeline Philippines na tumatanggap ng tawag mula sa mga nangangailangan ng tulong. 

*To those who are in emotional crisis and in need of immediate assistance, please contact the 24/7 HOPELINE at:
+632-804-HOPE (4673)
+63917-558-HOPE (4673)
2919 (toll-free number for all GLOBE and TM subscribers)

--Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.