REHIYON: Bantay kontra-terorismo; Padyak kontra-droga

ABS-CBN News

Posted at May 09 2017 04:33 PM | Updated as of May 10 2017 12:15 AM

Narito ang ilan sa pinakamalalaking balita sa Luzon, Visayas at Mindanao. 

LUZON

Pasukan sa Dagupan, puspusang pinaghahandaan

Naghahanda na ang Department of Education (DepEd) para sa Brigada Eskuwela sa Dagupan City. 

Kabilang sa mga inaasahang solusyonan ng Brigada Eskuwela sa Dagupan City National High School ang pagbaha kapag umuulan o bumabagyo kaya prayoridad ngayon ang pagpapataas ng mga daan. 
Tiniyak din ng DepEd na kumpleto na ang classroom para sa Grade 12. May 26 na silid-paaralan ang ibinigay na ng Philippine Amusement ang Gaming Corporation (PAGCOR). May karagdagan pang 4-storey building para sa Grade 12. 

Sineguro rin ng DepEd na hindi na magiging problema ang shifting lalo't ngayong darating na school year ang full implementation ng K to 12 curriculum at mag-a-advance na ang unang batch ng Grade 12. Higit 1,500 ang papasok sa public schools at 4,500 naman sa private.

Ilan pa sa mga problemang nais solusyonan ngayon ng DepEd ay ang mga sirang bintana, manipis na lock, at bandalismo. 

Anim naman sa 8 paaralan na may senior high school ang nabigyan ng bagong classrooms, habang nauna nang natapos ang sa Salapingao at Carael National High School.

Sa Mayo 15, aarangkada na ang isang linggong Brigada Eskuwela.

VISAYAS

Higit 10,000 estudyante, inaasahang dadagsa sa relocation sites sa Tacloban

Inaasahan ang pagdagsa ng mahigit 10,000 estudyante sa mga relocation site sa Tacloban City sa darating na pasukan, kaya pinaghahandaan na ito ng Department of Education-Tacloban sa pamamagitan ng pagtatayo ng ilang temporary learning space.

Sa pagbubukas ng klase sa Hunyo, karamihan sa mga nakalipat na sa relocation sites sa Tacloban ang nagpasyang ilipat na sa malapit na paaralan ang kanilang mga anak.

Pinaghahandaan na rin ng DepEd-Tacloban ang inaasahang pagtaas ng bilang ng mga estudyante sa mga eskuwelahan sa relocation sites sa darating na pasukan.

Apat na bagong eskuwelahan ang itinatayo sa relocation sites. Tatlo rito ay integrated school, at isang elementary school. Habang hinihintay ang budget para sa school building, magkakaroon muna ng mga temporary learning space.

Sa Guadalupe Heights Integrated School, tinatapos ngayon ang 23 temporary classrooms para sa mahigit 5,000 estudyante.

Halos 10,000 estudyante pa ang inaasahang mag-e-enrol sa mga eskuwelahan sa Northern barangay sa darating na pasukan.

Daan-daan, nakiisa sa padyak kontra-droga sa Iloilo

Idinaan sa pagbibisikleta ng mga taga-Alimodian sa Iloilo ang kanilang kampanya kontra iligal na droga.

Nagsimula ang bike fun ride o padyak kontra ilegal na droga sa plaza patungong Agony Hill at pabalik ng munisipyo noong Lunes, Mayo 8.

Daan-daang biking enthusiasts, pulis, at sibiliyan ang nakiisa sa aktibidad na naglalayong maideklarang drug-free municipality ang Alimodian.

MINDANAO

8 banyagang terorista, nakapasok sa bansa

Nakapasok sa bansa ang walong banyagang terorista na sumusuporta umano sa islamic state, kinumpirma ni Armed Forces of the Philippines Deputy Chief of Staff for Intelligence Felimon Santos Junior.

Kabilang diyan ang isang Indonesian na kasama umano ni Abu Sayyaf leader Isnilon Hapilon sa Lanao del Sur noong Marso. May apat pa umanong Indonesian na sumali na rin sa Abu Sayyaf at Maute group. Habang ang natitirang tatlo ay pawang Malaysian.

Ayon sa Malaysian authorities, planong gamitin ng mga terorista ang Sabah, Malaysia para makapunta ang mga na-recruit na Islamic State supporters kay Hapilon.

Hindi bababa sa 18 dayuhang terorista ang na-monitor ng militar na nakikianib sa mga rebeldeng grupo sa bansa.

Tiniyak naman ni Western Mindanao Command Commander Lieutenant General Carlito Galvez na nakatutok na sila sa sitwasyon at nakikipagtulungan na rin sila sa Indonesia at Malaysia para maresolba ang banta ng terorismo sa rehiyon.    

 
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.