Pilipinas, kinastigo sa UN dahil sa EJK, bitay

ABS-CBN News

Posted at May 09 2017 05:39 PM | Updated as of May 10 2017 12:13 AM

Pinuna ng maraming miyembro ng United Nations ang Pilipinas ukol sa extrajudicial killings, ang pagsusulong ng pagbabalik ng parusang kamatayan, at ang pagpapababa ng edad para maipaako sa tao ang isang krimen. 

Mabilis na siniguro ng mga kinatawan ng gobyerno ng Pilipinas na ginagawa ng bansa ang lahat para resolbahin ang problema ng pagpatay at iba pang krimen sa bansa.

Sinabayan ng protesta sa harap ng United Nations sa Geneva, Switzerland ang sesyon ng UN Human Rights Council para busisiin ang tumataas na insidente ng patayan sa Pilipinas.

Habang may nangangalampag sa labas ng gusali, humarap naman sa konseho para sa Universal Periodic Review ang delegasyon ng Pilipinas sa pangunguna nina Sen. Alan Peter Cayetano at Deputy Exec. Sec. for Legal Affairs Menardo Guevarra.

Ipinresenta ni Cayetano ang umano’y matinding problema ng droga ng Pilipinas na ikinonekta niya rin sa ilang karumal-dumal na krimen. Nagpalabas din siya ng video clips ng iba’t ibang krimeng konektado sa ilegal na droga na dinatnan ng administrasyong Duterte.

Kasunod ng kanyang presentation, isa-isang nagbigay ng komento at rekomendasyon ang mahigit 100 UN member states. 

Sa kabila ng mga inihaing puna sa Pilipinas, tiniyak ni Cayetano na ginagawa ng Pilipinas ang lahat para resolbahin ang problema ng pagpatay at iba pang krimen sa bansa. Muli rin niyang inanyayahan ang UN Human Rights Council na magpadala ng kinatawan sa Pilipinas para sa isang independent na imbestigasyon.

Pero ngayon pa lang, sinabi na ni Cayetano na imposibleng magbago ang isip ni Pangulong Duterte sa isyu ng death penalty dahil wala naman daw alternatibong parusa para tuluyang masugpo ang mga krimeng may kinalaman sa ilegal na droga sa bansa.

Kasunod naman ng mga puna ng UN member states, muling sinisi ni Presidential spokesman Ernesto Abella ang media sa umano’y masyadong pagpapalaki sa isyu ng ‘war on drugs’ at extrajudicial killings.

Nagkakaroon daw tuloy ng misunderstanding o maling intindi ang international community sa tunay na sitwasyon sa bansa. 

Samantala, sa kabila ng mga kaso ng pagpatay dahil sa kampanya ng administrasyon laban sa droga, hindi naapektuhan ang halaga ng tulong o aid ng European Union sa Pilipinas.

Ayon kay Ambassador Franz Jessen, Head of Delegation of European Union to the Philippines, nasa 300 million euros ang halaga ng EU aid hanggang taong 2022.

Karamihan nito ay mapupunta sa development projects sa Mindanao at pagsisimula ng mga bagong trabaho. Ayon kay Jessen, hindi naiiba ang pakikipag-ugnayan nila sa kasalukuyang pamahalaan kumpara sa nakaraang administrasyon.

 -- Ulat nina Danny Buenafe, Apples Jalandoni, Pia Gutierrez, Willard Cheng, ABS-CBN News; Reuters

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.