Libo-libo bumibiyahe na paprobinsiya para lumahok sa halalan

ABS-CBN News

Posted at May 08 2019 08:25 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagsimula nang magdagsaan sa bus terminals ang mga botante para umuwi sa kani-kanilang probinsiya limang araw bago ang nakatakdang halalan sa Lunes. 

Nitong Miyerkoles, libo-libo na ang nasa Araneta Center Bus Port, kung saan fully-booked na umano ang ilang ordinary bus. 

Isa sa mga luluwas si Gina Galit na bibiyahe pa-Las Navas, Northern Samar. 

Kuwento niya, lumiban na siya sa trabaho sa isang canteen sa Maynila kasama ang mister na construction worker. 

Pero pagdating sa Araneta terminal, hindi inakala ng mag-asawa na nagmahal na pala ang pamasahe. 

"Boboto lang kami pagkatapos uuwi din kasi may trabaho," ani Galit.

Dahil kapos, ibebenta na lamang daw niya ang bitbit na manok panabong para pandagdag sa pamasahe. 

Nais niya ring makaluwas dahil inaasahan niyang magpapamudmod ng pera ang ilang politiko sa kanilang bayan. 

"Kasi lagi kami inaano ng kapitan namin, bumoto raw para nakakatulong. Tinuturuan din kami ng kapitan, minsan binibigyan din kami ng pera," ayon sa ginang.

Kasama naman ni Marites Hernandez ang buong pamilya pauwi sa Bolan, Sorsogon para rin bumoto.

Pag-amin ni Hernandez, hindi na raw niya matandaan ang mga plataporma ng ilang kumakandidato sa kanila basta’t ang mahalaga ay madaling lapitan kapag kailangan.

"Siyempre 'yung maganda 'yung puwedeng lapitan kahit gipit ka at makakatulong," aniya.

Pero para sa 70 taong gulang na si Lorena Rizalon, hindi raw matutumbasan ng kahit anong "padulas" ang kaniyang boto.
    
"Siyempre napakahalaga po [kung] sino ang nasa puwesto... Simula talaga hindi kami tumatanggap ng pera," pagmamalaki ng lola. 

'MAGDARAGDAG PA'

Ayon naman sa pamunuan ng Araneta Center Bus Port, magdaragdag pa sila ng mga bus simula Huwebes.

"Meron pa namang augmentation especially sa ordinary buses natin... [N]agdadagdag naman ang mga bus operator if there is a demand. Kapag ganitong season we double our manning," sabi ni Ramon Legazpi, general manager ng naturang terminal. 

Ayon sa Araneta Center Bus Port, aabot na raw sa 6,000 ang dumagsa sa kanilang terminal ngayong araw, na kadalasan ay 4,000 lang sa normal na araw.

Sa bus terminal sa Pasay, puno na rin ang mga bus patungo ng mga lalawigan sa Bicol region at Visayas. 
    
Dahil walang reservation, pahirapan sa pagsakay ang mga pasahero lalo na’t first come, first served ang sistema.

Sa Philtranco bus station naman, halos puno ang istasyon ng mga pasahero na patungo ng Samar.

—Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.