Lalaki arestado sa 'online grooming' sa Quezon City

ABS-CBN News

Posted at May 08 2019 05:41 PM | Updated as of May 08 2019 07:12 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Natimbog ng mga awtoridad ang isang lalaking gumagamit ng larawan ng iba sa Facebook profile at nananakot sa mga biktimang babae na ikakalat ang mga hubad na larawan ng mga ito kung hindi makikipagtalik sa kaniya.

Dinampot noong gabi ng Martes ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang suspek sa isang motel sa Commonwealth Avenue, Quezon City.

Kasama ng suspek sa motel ang 14 anyos na biktimang si alyas "Sarah" na ikinuwentong nakipagkaibigan sa kaniya ang suspek sa Facebook pero ibang retrato ang gamit nito sa profile.

Niyaya umano ng suspek si "Sarah" na makipagtalik para hindi niya ikalat ang mga naipadalang hubad na larawan ng biktima.

Ang modus ng suspek ay "online grooming" kung saan gumagamit ng retrato ng guwapong lalaki ang suspek para mahikayat at mapilit ang biktima na magpadala ng mga hubad na larawan, ani Police Maj. June Paolo Abrazado, hepe ng PNP-ACG sa Quezon City. 

Kung ise-search naman ito sa internet, sinasabing, ang "grooming" ay ang pakikipagrelasyon sa kabataan para lokohin ang mga ito at puwersahin o takutin sa paggawa ng seksuwal na bagay. 

Hindi naman itinanggi ng suspek ang mga paratang.

Dumulog din sa mga pulis ang isang 21 anyos na nabiktima rin ng parehong modus ng suspek.

Haharapin ng suspek ang mga kasong grave coercion, corruption of minor, at paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012, at Anti-Child Abuse Law.--Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.