Pulis, binaril ang ex na guro, saka binaril ang sarili

ABS-CBN News

Posted at May 08 2018 10:00 PM | Updated as of May 09 2018 07:33 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Patay ang isang guro nang barilin ng dating kasintahang pulis sa loob ng inuupahang apartment sa Caloocan City noong Martes ng gabi.

Namatay din ang suspek matapos umanong barilin ang sarili.

Rumesponde ang Caloocan police matapos mapaulat na hinostage umano ni Police Officer 1 Danilo Roa ang dating kasintahang si Lyka Jane Arciaga, isang elementary school teacher.

Pero makalipas ang ilang oras na walang sumasagot mula sa loob ng apartment, inakyat ng mga pulis ang gusali at nasilip sa bintana na kapuwa wala nang buhay ang dalawa.

"Pagpasok ng SWAT, nakita na lifeless na 'yong dalawang body," sabi ni National Capital Region Police Office chief Director Camilo Cascolan.

Lumalabas na binaril ni Roa ang dating nobya bago niya binaril ang sarili. 

Ayon sa mga kapitbahay, alas-singko pa lang ng hapon nang makarinig sila ng limang magkakasunod na putok ng baril.

"'Yong babae umaayaw na, so nag-away sila... Nagsigawan bago 'yong putok ng baril," sabi ni Caloocan police chief Superintendent Restituto Arcangel.

Kuwento pa ng pinsan ni Arciaga, nagsumbong pa sa kaniya ang babae at nagpadala ng retrato ng suspek na nakahiga habang may baril sa dibdib.

Umaga pa lang ay nanggugulo na ang suspek sa apartment.

Ayon pa kay Cascolan, kamakailan lang ay inireklamo ni Arciaga si Roa ng harassment.

Pinagbibintangan din umano ni Roa na may iba nang kasintahan ang biktima.

Itinuturing ng Caloocan police na crime of passion ang kaso.

-- Ulat nina Bianca Dava at Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.