Mga kandidato sa barangay at SK elections, nagpa-drug test

ABS-CBN News

Posted at May 08 2018 11:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Boluntaryong sumailalim sa drug test ng Philippine National Police (PNP) ang mga kandidato sa barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections.

Higit sa 100 kandidato sa siyam na barangay na sakop ng Quezon City Police District (QCPD) Station 7 ang nagtungo sa Camp Panopio sa Cubao, Quezon City upang sumailalim sa drug test na hamon ni PNP chief Oscar Albayalde.

Matatandaang isinapubliko ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang narco-list sa hanay ng mga opisyal ng barangay. 

Ayon sa QCPD, walang dapat ikatakot ang mga kandidato sa drug test.

Inaasahan na mailalabas na ang resulta ng drug test sa Miyerkoles.

Barangay "Esterorista," hamon sa mga kandidato

Isa pang hamon sa mga kumakandidato ang inilunsad na "Barangay Kontra Esterorista" ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Pasig River Rehabilitation Commission.

Ito anila ay dahil parte ng responsibilidad ng mga opisyal ng barangay na mapanatiling malinis ang estero at mga kanal sa kanilang nasasakupan.

Kakasuhan ang mga opsiyal na mapapatunayang nagpapabaya o papayagan ang mga residente na magtapon ng basura sa ilog at mga estero.

Hinikayat din ang mga mauupong kapitan na maglagay ng CCTV sa lahat ng mga ilog para mahuli kung sino ang mga nagtatapon ng basura.

PWD at senior citizen voters sa BSKE elections

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, ikinakasa na ng Commission on Elections (Comelec) ang sistema para mas maging madali sa mga person with disabilities (PWD) at senior citizen na makaboto sa darating na eleksyon.

Sa taya ng Comelec, 75 percent ng mga polling precinct ang accessible sa mga senior citizen at botanteng may kapansanan.

Bagama't may ilang nahihirapan kapag nasa taas ng building ang kanilang presinto, mahirap umanong mailagay ang lahat ng mga ito sa ground floor, lalo na kung highly urbanized ang isang lugar.

Para naman sa National Council on Disability Affairs (NCDA), dapat ay ibaba ang mga balota sa mga senior citizen at PWD na hindi na makapanhik sa mga presinto.

--Ulat nina Doland Castro, Dominic Almelor, at Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.