15 guro, tinakbuhan matapos mag-invest ng milyon sa 'bigasan'

ABS-CBN News

Posted at May 08 2018 10:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nabiktima ng investment scam ang 15 guro matapos umanong tangayin ng kanilang co-teacher ang aabot sa P150 milyong para sana sa isang negosyong bigasan. 

Kuwento ng dating propesor na si Gail Lobo, 2016 nang una siyang mag-invest ng P2 milyon sa bigasan ng kaibigang guro na si Nomer Malenab sa pag-asang lumago pa ang kaniyang ipon.

Nagtiwala naman daw siya dahil may memorandum of agreement na ipinanotaryo, at naibabalik din ni Malenab pati ang interes na 10 porsiyento kaya lalo siyang nahikayat na dagdagan pa ang puhunan.

"Hindi kami maka-hindi kasi kaibigan namin siya," ani Lobo.

Agosto 2017 nang magsabi si Malenab na magpapadala raw siya ng bigas sa Marawi City at nangangailangan ng P38 milyon. 

Muli namang nag-invest si Lobo, maging ang kaniyang ina, na umabot ng P5 milyon.

Nagbigay na rin ang 14 pang guro ng milyong halaga hanggang sa mabuo ang P38 milyong kailangan umano ni Malenab.

Pero Disyembre 2017, hindi na raw nila makontak ang kaibigang negosyante.

Tumalbog din umano ang mga tseke na inisyu niya kapalit ng investment para sa bigas sa Marawi.

Dito na naisip nina Lobo at mga kapwa guro na maghain ng reklamo sa National Bureau of Investigation (NBI).

Doon na nila natuklasan na base sa rekord ng NBI, may outstanding warrant of arrest na pala si Malenab dahil sa kasong estafa.
 
"Nanghihingi siya ng investor sa rice trading tapos magbibigay ng return of investment na 10 percent per month. Sa simula good naman 'yung bayad tapos after ng some time bigla na lang mawawala siya," paliwanag ni Atty. Melito Santos Jr., imbestigador na nakatutok sa kaso.

Dinaan naman ni Lobo sa pakiusap si Malenab upang maibalik ang kanilang inilabas na pera. 

"Please lang ibalik mo 'yung pera ng nanay ko, ibalik mo rin 'yung pera ng ibang mga tao, please lang," pagmamakaawa ni Lobo.

Paalala ng NBI, huwag basta-bastang magtiwala sa mga investment lalo kung malaking halaga ng pera at interes ang pinag-uusapan.

Makatutulong ding i-check kung nakanotaryo ang mga dokumento para maging public document ang mga ito.

--Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.