7 miyembro ng 'salisi', tiklo sa QC

ABS-CBN News

Posted at May 07 2019 05:51 AM

MAYNILA - Arestado ang 7 miyembro umano ng "salisi gang" matapos mambiktima ng mga customer sa isang mall sa Quezon City.

Ayon kay Police Maj. Feliciano Amojuela ng Anonas Police Station, modus ng grupo ang magdala ng bata para hindi mahalata ang kanilang gawain.

Sa kuha ng CCTV, naglalaro ang biktima sa arcade ng isang mall nang lapitan ng mga babae na kunwari'y nanonood. Pero binubuksan na pala ang shoulder bag ng biktima, kinuha ang cellphone nito, at saka umalis.

Nagsumbong ang biktima sa guwardiya at natunton ang mga suspek na sumakay sa isang puting van sa parking area ng mall.

May isang biktima ang nag-report din sa pulis na ninakaw ang kaniyang bag. Nakapag-shopping pa ang mga suspek gamit ang kaniyang credit card sa halagang P120,000.

Nasamsam sa mga suspek ang mga hinihinalang nakaw na gamit, tulad ng cellphone, laptop, at relo. - Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.