'Shabu' na inilagay sa balot ng napkin nasamsam sa Dumaguete City

ABS-CBN News

Posted at May 06 2020 05:01 PM

Arestado nitong umaga ng Miyerkoles ang isang lalaki matapos makuhanan ng P340,000 halaga ng hinihinalang shabu sa buy-bust operation sa Dumaguete City, Negros Oriental.

Ayon sa pulisya, kalalabas lang sa bilangguan ngayong taon ng suspek na si alyas "Ramil" matapos makulong noon dahil din sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga.

Bandang alas-10 ng umaga, hinuli si Ramil matapos bentahan ang isang pulis na nagpanggap na buyer ng hinihinalang shabu na inilagay sa balot ng sanitary napkin.

Nakumpiska sa suspek ang higit 50 gramo ng hinihinalang shabu at isang motorsiklo.

Muling mahaharap sa kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek.

-- Ulat ni Mitch Lipa, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.