Lasing, sinaksak ang nagbenta sa kanya ng 'shabu'

ABS-CBN News

Posted at May 06 2018 08:08 AM | Updated as of May 06 2018 08:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA - Sugatan ang isang lalaki sa Sampaloc, Maynila matapos siyang saksakin ng isa pang lalaking lasing Sabado ng gabi dahil umano sa alitan sa shabu.

Sinaksak ng itak ang 32 taong gulang na si alyas "Pepi" ng suspek na si Rolando Olidan, ayon sa pulisya.

Nakunan pa ng CCTV ang krimen at kung gaano kahaba ang itak na gamit ni Olidan.

Bago ang insidente, nakikipag-inuman umano si Olidan at pinabili ng kanyang kakilala ng shabu.

Pumunta umano siya kay "Pepi" para bumili ng isang sachet na may halagang P700.

Pero nang ibalik sa nagpabili, nakita umano na kakaunti lang ito at nasa P300 lang ang halaga.

Ayon kay Olidan, ibinalik niya ang shabu kay Pepi pero dahil sa sobrang kalasingan, hindi raw niya namalayan na nasaksak na pala niya ang biktima.

"Sorry po nasaksak pala kita. Magbabagong buhay na ako," sabi ni Olidan.

Kakasuhan si Olidan ng frustrated murder at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Iniimbestigahan naman ng mga pulis kung si "Pepi" nga ang nagbenta sa kanya ng shabu.

- ulat nina Jervis Manahan at Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.